Title: Anarkistang Pahimakas para kay Percy Lapid
Author: Isko Margal
Topic: obituary
Date: October 2022
i-m-isko-margal-anarkistang-pahimakas-para-kay-per-2.jpg

Isa si Percival Mabasa, mas kilala bilang si Percy Lapid, sa mga pinaslang na mga mamamahayag sa ilalim ng ikalawang rehimeng Marcos.

Binaril siya habang papauwi siya ng bahay. Gabi na. Hindi pa rin sigurado kung sino ang may pakana nito. Isang kilalang kritiko si Percy nina Marcos at Duterte, pati na rin ang kampon nilang mga alila at berdugo.

Kasawiang-palad na hindi ko napakinggan ang programa niyang Lapid Fire noong buhay po siya. Mabuti na lang at mapapanood pa rin naman ito sa kanyang YouTube channel. Kapag pinapanood ko siya, bumabalik ako sa panahon noong malakas pa ang hatak ng AM at FM, na napapamura na lang ang mga commentator na nasa radyo sa mga nagaganap na kawalang-hustisya sa lipunang kinagagalawan nila. Noong nagdaang mga buwan, madalas niyang patamaan sina Trixie Angeles-Cruz, dating Press Secretary ng nakababatang Marcos, at Lorraine Badoy Partosa, dating bunganga ng NTF-ELCAC, na parehong tagapamahagi ng mga kasinungalingan bilang tagasuporta nina Marcos at Duterte.

Noong ika-50 anibersaryo ng Martial Law, kinuwento niya ang kanyang naranasan noong dekada 70. Dati man, sinuportahan niya ang legasiya ng Batas Militar, aniya natuto siya mula sa impormasyon at naratibong nakalap niya ngayong mas madali siyang hanapin. Sabi niya na ginamit ni Marcos ang Saligang Batas ng 1973 para lang manatili siya sa pusisyon. Sabi rin niya na ang kaguluhan noon ay hindi dulot ng mga kilos-protesta ng kilusang progresibo, sa halip “ang totoong magulo no’n, yung mga politiko, yung mga anak ng mga pulitiko.” Napakasaklap na hanggang ngayon iyon pa rin ang dinaranas ng kapuluan sa mga trapo at dinastiya. Napakainteresante rin nitong lahat dahil callsign ng himpilan niya ang “Bagong Lipunan.”

Sa ngayon, dalawang motorsiklo at isang person of interest ang iniimbestigahan. Tiyak na matatagalang maghanap ng pruweba ang PNP at DILG, kung hindi lang talaga mabagal ang kilos nila. Samantala, patuloy na darami ang mga insidente ng karahasan kontra sa mga mamamahayag at iba pang miyembro ng media. Imbes na ayusin ang sitwasyon, bilang pulitiko man din sila, ang payo na lang nila ay bigyan ng baril ang mga mamamahayag. Malamang dahil ang alam lang nilang sagot sa dahas ay dahas din. Iyon o may sala rin sila sa pagpaslang ng mga mamamahayag. Totoo rin at kailangan ng mga media worker ang armas, lalo na sa mga lugar na patuloy pa rin ang kaguluhan dahil sa galawan ng militar, tulad ng Mindanaw.

Hindi anarkista si Percy Lapid. Hindi rin siya abolisyonista. Sa tingin ko rin hindi siya ang pinaka-progresibong personalidad sa radyo ngayon. Ngunit, ayoko namang ihaka-haka ang paniniwalang pulitikal niya. Sinasabi ko iyon dahil nagiging mas klaro na ang sitwasyon para sa lahat ng mga mamamahayag anuman ang kanilang paninindigan. Hindi na lang kalayaan sa pamamahayag at impormasyon ang nakasalalay ngayon. Pati na rin ang kalayaang mabuhay.

Sa tingin ng mga nasa likod ng mga pagpaslang ng mga mamamahayag, magkasing-halaga lang ang katotohanan at kritisismo at presyo ng mabibiling berdugo sa Las Piñas. Samantala, patuloy pa rin ang mga atake sa mga himpilang taliwas ang tono sa namumunong administrasyon. Lahat sila isa lang ang pakay: manred-tag, mang-goyo, at magsinungaling sa tunay na estado ng mga tao sa kapuluan.

Kahit na anong mangyari, patuloy pa rin ang radikal at marangal na pamamahayag; ang pamamahayag na tangkang istorbohin ang kumportableng posisyon ng mga nasa poder ngayon. Isa lamang ito sa napakaraming leksyon mula sa kasaysayan. Ngunit, hindi ibig-sabihin nito na magpakampante. Patuloy dapat nating harapin ang mga banta sa buhay natin at ng ating mga kasama sa iba’t ibang larangan ng media at sa lahat ng sektor sa lipunan. Kasabay nito, patuloy dapat nating tibayan ang ating pagsasama para ipakita ang ating lakas hindi lang bilang mga mamamahayag, kundi bilang kilusang ipinaglalaban ang katotohanan bilang importanteng haligi ng ating adhikaing lipunan.

Sumalangit nawa si Ka Percy Lapid.