Isko Margal
Ang Maging Libertaryo sa Gitna ng Halalan
Kapag ipinamamalas ng mga libertaryo at anarkistang katulad ko ang aming maselan na pagpili sa pakikilahok sa mga tipong kampanya halalan tulad ng nagaganap ngayon sa Pilipinas, lagi pinaparatangan ang mga bagong radikal na “diskunektado sa masa,” “walang alam sa materyal na kundisyon ng tao” o masaklap pa, “walang alam sa pulitika” sa lipunang kinabibilangan namin.
Sa buwang nakaraan, lumabas ang mga theses na KonTRAPOlitiko na hinahayag ang pananaw ng ilang mga anarkista mula sa kapuluan sa iba’t ibang kilusan at pangyayaring nag-develop mula noong paghain ng kandidatura noong isang taon hanggang sa kasalukuyan. Karaniwang reaksyon ang makikita kung babasehan ang ilang mga komento at QRT; sa katunayan, pareho lang sa kababanggit ko lang kanina. Hinihintay ko na lang na may maglabas ng slides mula sa isang ED ukol kay Trotsky at sa anarkismo at panalo na ako sa bingo naming magkakasama.
Sa totoo lang, hindi biro ang aming paninindigan kapag dumating ang eleksyon. Hindi dahil kulang kami sa teorya o praktika, ngunit dahil mismo sa mga ito, isa lamang ang analysis namin: walang naman talaga itong katuturan. Napakita na namin, at kahit ng mga klasikong anarkista, na ang halalan ay paraan lamang ng estado na gawing lehitimo sa mata ng buong populasyon ang kanilang soberanya sa lahat. Demokratiko man ito (at kahit ‘yon ay mapagtatalunan pa natin), paraan ito para pangibabawan ang tunay na kalayaan ng bawat indibidwal: na makapagdesisyon sa kanyang sarili sa pulitika, ekonomiya, at lipunan niya; at maki-ayon sa mga taong pareho ang adhikain sa buhay.
Tutol kami sa ideya ng eleksyon kasi sa kahuli-hulihan, hinihiwalay nito ang tunay na malayang pagpipili para sa tao gamit ang burukrasya, ang gobyerno, at karahasang tuwiran o pagpilit sa tao kahit labag sa kalooban nila.
Hindi naman ito malayo sa mga mapanghimagsik na mga Marxista o kahit sa karaniwang taong mas gugustuhin pang magtrabaho na lang sa araw ng halalan kung hindi paid holiday. Sa katunayan nga, mayroon pa ring mga bagong radikal na nakikitungo (lumalahok?) sa electoral arena kahit man (o pwede pa kayang dahil) ito ang aming paninindigan. Bakit? Taliwas sa sinasabi ng marami na “absolute” ang pagkikilos ng anarkista, nauunawaan namin na: una, ang anarkismo’y hindi static na siyensya (eksaktong pag-aaral?), kundi proseso ng pagtutuklas at pagbabago ng isipan para tumuon sa pangangailangan ng mga tao; at pangalawa, ang anarkista’y naglalayon na kumilos sa kinatatayuan at kinabibilangan upang maipalago hindi lamang ang ideya at praktika ng anarkismo, kundi pati na rin ang kultura at kaugaliang mapagpalaya at pantay-pantay.
Sa tingin ko, napaparatangan kaming “absolute” dahil ang pakay namin ay hindi simpleng alyansang elektoral na guguho kapag tuluyang hindi natupad ang pinagkasunduang pangako, pero kaugnayang tunay, personal, at mananaig para ipaglaban ang ating pare-parehong pakikibaka kahit lumipas na ang araw ng halalan; isang kasunduang makatao at maka-laya.
Nasa kasaysayan ng libertaryanismong makakaliwa at anarkismo ang pagkakaroon ng mga kalahok sa prosesong elektoral. Pinakahalimbawa sa mga ito na kami’y suwayin sa pakikilahok ay ang pagkasawi ng kilusang sindikalista na nakisapi sa Ikalawang Republikang Kastila noong 1930s. Lantad sa lahat ang ginawang pagtatraydor sa kanila ng ilang mga sosyalista at komunista sa gobyerno noon, na bukod pa sa persekusyong hinarap nila noong tuluyang naging Caudillo si Franco. Hindi natin makakaila sa mga libertaryo na mula sa kinalakhang ito, at ang lahat ng mga radikal na mag-aaral ng kasaysayang ito na tanggihan ang ganitong kalakaran, at sa kalaunan, ang kabuoan ng pulitikang elektoral.
Pero ang malaking tanong ng karamihan sa mga tumitira sa mga anarkista: ito pa rin ba ang gagawin mo kahit kaharap mo na ang pinakamalawak na alyansa ng lahat ng mga trapo sa bansa? Maiintindihan ba ng “masa” ang ipinaglalaban mo kapag malaki ang panganib na kakaharapin kapag naupo ang mga anak ng diktador? Bakit hindi ka na lang sumapi sa broadest front against the narrowest target? Ang lahat ng mga political independent na iba ang paninindigan sa dalawang pinakamalakas ng kandidato ang nakaharap ito. Pinakapopular na halimbawa nito si Nader noong eleksyon sa pagitan ni Gore at Bush, o sa konteksto natin, ang anak-magnanakaw at si Leni Robredo.
Hindi dapat nating kaawaan ang mga taga-suporta ng mga “sadboi” na nagtipon-tipon sa Manila Pen para mag-away-bata, dahil sila ang talo sa larong pulitikal — maliban na lang maaari si Ka Leody na may kampanya na tuwirang demokratiko sosyalista, mala-preskang hangin. Pero nakikita natin ang isang malaking pagkukulang ng representative democracy: binabaliko nito ang iba’t ibang interes ng karaniwang tao para lang magkaboses sila sa gubyernong dapat kumakatawan sa kanila. Mayroong mga sumusuporta sa iba’t ibang kandidato at partido kahit sila ang natatalo dahil sa kanilang paninindigan na may tunay na hinanakit na kinauugatan.
Para sa marami, hindi nasasagot, kahit ng oposisyon, ang kanilang paghihinagpis sa kasalukuyan nating lipunan. Kahit sa tuwid na daan, o sa kulay rosas na bukas, hindi nila nakikitang mareresolbahan ang mga intriga at interes ng mga nakakataas sa lipunan. Ito raw ang dulot ng pagtaas ng presyo ng bilihin o ng kuryente, pagbagsak ng kanilang kita sa pang-araw-araw sa bukid, pabrika, o opisina man. Ito raw ang dahilan nang pagbagal ng commute o pagkawatak-watak ng daan kahit ilang libo na ibinayad nila sa pagbubuwis. Oo, marami ang napapabilib sa kandidatong progresibo, pero mas marami na ang nawalan na ng tiwala sa botohan. Mas masaklap pa: mas dumarami ang napapabilib sa mga trapo at berdugo dahil matamis ang kanilang salita, at hindi sila nakaayon o kahit kaunti lang ang pagka-kunektado sa mga bigong pamahalaan. (?)
Ngayon, hindi ko dinedepensahan ang mga kandidatong ito na walang babaguhin sa umiiral na kalagayan natin ngayon, kung hindi palalalain pa ito. Pero kung isusuma-tutal natin ang kasaysayan ng radikalismo, ang sitwasyon ng pamamahala at paghalal sa bansa, at ang pagnanais ng sistemang bubukod sa nakasanayan para sa tunay na personal at pantay-pantay ang pakikipagugnayan, hindi ito madadaan sa eleksyon. Tawagin mo man itong “power corrupts” o “entering the state makes you bourgeoisie”. Ang problema ay kahit mga progresibo at radikal ay napapaloob dito, at sinusuka na nagiging huwad na ang kanilang pinaglalaban, kasi kailangan nilang makipagsapalaran para kahit anino man ng kanilang prinsipyo ay matupad.
Tiyak na mayroon tayong mga kasamang may pinupusuang kandidato o kahit “least evil” siya sa aming analysis. Hindi dapat iyong ipagkait sa tao. Pero tiyak rin na ang pursigidong libertaryo ay hindi ipagpapalit ang kanilang paniniwala para tuwirang suportahan ang imperpektong plataporma o kandidato. Ang tawag doon ay oportunista, ang evolutionary stage bago maging trapo, na malamang alam na alam ng kahit na anong kampo ng pulitiko, kanan man o kaliwa.
Ang natitirang tanong ng marami: “Edi ano ang plano mo? programa? Paano mo mapapaintindi ang kagustuhan mo kung may kagyat na silang mga problema? May programa ka ba?”
Simple ang sagot diyan: mag-organisa. Pag-usapan ang anarkismo at pangingibabaw. Bumuo ng pagsasama, unyon, asosasyon na magpapakita na kaya nating mabuhay sa mundong walang pulitiko, walang kapitalista, walang pulis, at walang kulungan. (Abutin na ang nakararami dahil nandito sila at nandito rin kami.) Magpapaang-abot tayo Ngayon Dito. Mapanghahatian nang lahat ang ating pinaghirapan, dahil mayroong hintulot galing sa’tin lahat.
Kahit iba-iba ang paraan at lugar, basta nagkakaintindihan at nagkakasundo ang iba’t ibang katipunan nang walang bahid ng pagmamataas at pagmamalupit, kumpleto na ang aming programa. Kahit sa simpleng paraan lang ipakita na kayang paalabin ang mga libertaryong impulse dahil doon nagsisimula ang proseso.
Kung tutuusin, oo, baguhan pa ang bagong anyo ng mga radikal na maaaring isakatapuran ito. Pero hindi agad itong rason na tanggihan ang ideya, paganalisa, at pagkikilos nila sa yugtong ito. ‘Di tulad ng karamihan na kailangan pang payuhan na dapat “ituloy ang pakikibaka” matapos ang eleksyon, tuluy-tuloy lang kami dahil iba ang aming pakay: lubos at agarang paglaya. Hindi ito maihahandog sa’tin ng gobyerno, trapo, o partido; kailangan natin siyang kunin nang mag-isa sama-sama.