Alex Goldmann
Hindi pa ba ako sapat?
Laban sa Neoliberal at Meritokratikong Edukasyon
Sa sandamakmak na pagsisigaw ng mga aktibista, pulitiko, at institusyon na palaganapin pa ang pondo sa edukasyon, palawakin ang “academic freedom”, pagbibigay ng pagkakataon na makapag-aral sa enggrande at prestihiyosong paaralan, magkaroon ng mga polisiya para sa makataong pag-aaral, kinaligtaan nito ang pagtutol sa mga konsepto na sumisira sa konsepto ng edukasyon.
Ang Neoliberal na Edukasyon
Ang makabagong merkadong edukasyon o maskilala bilang neoliberal education ay nanggaling sa obserbasyon na ang bawat aspeto ng pag-aaral ay upang pagkakitaan ito. Ginagamit ang mga prinsipyo sa pagnenegosyo sa pagpapatakbo ng eskwelahan, para gawing makinarya ng paglikha ng mga graduates para mapabilang sa workforce at pagsamantalahan sa pamamagitan ng mababang pasahod o pag-export sa ibang bansa. Ikinukulong din nito ang kasanayan sa iisang kategorya at hilig na parang specific lang dapat ang matutunan ng isang tao.
Bihira natin masilayan ang mga inhinyero na environmentalists, o kaya mga mekaniko na magsasaka at mga accountant na domestic helper. Ngunit sila ay buhay ngayon, nakaluklok sa mga posisyon na hindi natin nasisilayan araw-araw. Isang kahangalan na pinairal kung saan ang paggraduate ng isang tao ay konektado sa kanyang magiging trabaho. Tila nag-aaksaya tayo ng 1-6 na taon sa kolehiyo o sertipikasyon pero ang hantungan pala ay mga trabahong maaaring hindi konektado sa pinag-aralan tulad ng call center, empleyado sa fast food, o delivery worker na pangkaraniwang hinahanap ng mga kumpanya.
Ang pribadong edukasyon
Ang pribadong edukasyon ay simple ang paninindigan nito, gawing negosyo ang paaralan. Ang tuition na binabayaran nito ay inilalaan sa sahod ng guro, sa pagpapanatili ng paaralan, at kagamitan ng mga mag-aaral, tipikal para sa lahat ng paaralan para ito ay epektibong nakapagbibigay ng magandang serbisyo. Ngunit dahil nanggagaling mismo sa bulsa ng nagpapaaral, madali nito mismong pasayahin ang mga nagbabayad dito, kadalasan mga magulang. Bigyan ng mataas na marka ang mga bata, disiplinahin ang mga mag-aaral, ituro ang relihiyon, at magbigay ng proteksyon sa mga mag-aaral. Nakakaakit ito para sa mayayaman lalong-lalo na sa mga taong nanggaling sa hirap dahil nga naman ito mismo ay ginawa para pasayahin sila.
Ang pribadong edukasyon ay nararapat ikonteksto pa rin sa pulitikal at ekonomikong pananaw. Kadalasan, ang mga pribadong paaralan ay bihirang mapuntahan ng mga mahihiirap. Kaya naman, pagtapak ng mga mag-aaral sa labas ng pribadong paaralan, magugulat na lamang sila na parang may mga hayop pa silang hindi pa natuklasan kahit na tao lang din ang anyo na nakikita nila. Ipinagdadamot at inaaksaya ang mga espasyo para paaralin ang mayayaman at may-kayang estudyante habang ang karamihan ay nagsisiksikan sa kakaunting pampublikong paaralan.
Ang pampublikong edukasyon
Ang pampublikong edukasyon, lingid sa kaalaman ng iba, ay hindi nangangahulugan na purong libreng edukasyon. Kailangan ng pamasahe o tagahatid sa paaralan, may bayad ang dorm, may bayad ang uniform, may bayad ang field trip. Kanya-kanyang diskarte, mayroong tagabitbit ng floorwax at bunot na pinadadala ng titser dahil sa kakapiranggot na pondo na ibinibigay. Ang proyekto ay mga pisara (blackboard) o kaya naman ay elektrik fan na nasisira paminsan-minsan. Ginagawang palusot ang brigada eskwela para ayusin ang paaralan gamit ang libreng enerhiya at lakas na ipinamimigay ng mga magulang. Ngunit, kahit na hindi ito ipangalan ang sariling paaralan sa mga santo, masmarami sa pampublikong edukasyon ang relihiyoso kumpara sa pribadong paaralan. Ang pangunahing kritisismo sa pampublikong edukasyon ay dahil ito ay isang monopolyo na kinokontrol ng iilang tao ang edukasyon.
Kalokohan ng pag-aaral
Ang kasalanan ng kasalukuyang edukasyon ay gawing kumplikado ang pag-aaral, imbes na ituring na natural matuto ay ipinupwersa ang lahat ng pwedeng isuksok para makagraduate. Ang pag-aaral ay nararapat lamang na parang naglalaro lamang ng walang sawang tagu-taguan, hinahanap-hanap lagi ng mga tao ang kaalaman, pero ang nangyayari ay binabangga lang ng tao ang ulo niya sa isang napakalaking pader na siguro, malalampasan niya balang araw.
Ang meritokratikong edukasyon
Kalokohan din ang pagkamit ng karatula, grades, honors, at diploma. Ang propaganda na ito ay nakakaakit, dahil sino naman ang hindi gustong marecognize ang mga pagpupunyagi natin? Sino ba ang hindi gusto na maging angat ang buhay dahil sa sarili mong pagsisikap? Pero sa lahat ng grumaduate, mapapansin natin na humihinto ang diskurso kapag pinagusapan na natin kung ano ang ibig sabihin ng tagumpay? Ang karaniwang sagot lagi ay, kapag nakapasa ka sa exam, kapag nakagraduate ka na, kapag nagkaroon ka ng trabaho, kapag naging mayaman ka na, kapag nasa posisyon ka na, yun ang pangkaraniwang ibig-sabihin ng tagumpay. Kaya naman maraming napag-iiwanan sa atin, sinusubukang mandaya, lokohin, at magsinungaling sa sistema dahil gusto rin nila ang ganitong klaseng pamantayan ng tagumpay. Bihira din natin marinig ang buong kwento na pumalpak sa sistemang ito, kung ano na ang kalagayan na nila ngayon.
Hiya, pagod, at pagpapatiwakal
Karamihan ng mga pumunta sa UP ay inaasahan ng kanilang mga pamilya na magbibigay sa kanila ng tagumpay at huwag sayangin ang scholarship. Dahil sa sobrang taas na standards ng pag-aaral, humahantong sa pagpapatiwakal ang ilan sa mga estudyante. Mao-obserbahan ito sa ibang mala-progresibong bansa tulad ng Tsina, SoKor, Singapore, at Japan, kung paano napupuno ng emosyon sa takot at alinlangan na bumagsak ang mga estudyante dahil nakasalalay ang kanyang disenteng buhay sa pagtamasa ng diploma at grado. Kaya humahantong din sa pagpapatiwakal ng mga tao.
Yabang, Kahambugan, Pagkamatapobre
Hindi maiiwasan na magkaroon ng pagkukumpara sa meritokratikong edukasyon, dahil ito naman talaga ang ginagawa nito. Nililikha nito ang inggit at lungkot sa mga bumabagsak habang masaya at maaaring kahambugan ang pakiramdam ng mga nakapasa, grumadweyt at honor rolls na parang nanalo sa paligsahan. Handang ipamukha ang mga karatula para masabi na siya ang karapat dapat para sa posisyon at nararapat bigyan ng respeto at paghanga para hindi masapawan ng iba.
Dulot ka ng Pribilehiyo
Lahat ng nakakapasok sa meritokratikong edukasyon ay mayroong pribilehiyo bago pa man siya makapasok dito. Itong klaseng pribilehiyo ay nakadepende sa kung ano ang meron siya, at hindi lang sa aspeto ng kayamanan. Maaaring maging pribilehiyo ang magulang, lugar na kinagisnan, ang anyo ng katawan, ang isang malatelenobelang eksena na nagpabago sa katwiran at pag-iisip na kinikilala natin at parte ng swerte. Isang mahalagang kritisismo din ng meritokrasya ay hindi lahat nabibigyan ng pantay na pribilehiyo, at hindi masosolusyunan ito sa simpleng pamimigay ng pribilehiyo sa mga napag-iwanan. Hindi naman lahat gustong grumadweyt talaga, gusto lang nila ng maayos na pagtratrabahuhan na ipinangakong maibibigay daw ng diploma sa kanila.
Pagpapatuloy ng edukasyon
Dahil ang pag-aaral ay ginawang obligasyon, walang patutunguhan ang mga tao kapag ikinulong sila sa kaparehong sistema ng edukasyon. Karamihan sa atin, ayaw nang bumalik sa pag-aaral dahil nakakadena na ang mga sarili natin sa trabaho at ayaw na natin madagdagan ang bigat sa pang-araw araw na pamumuhay. Pero kung mayroon mang kurso sa ganitong kaparehong sistema, mas okay pa na magkaroon ng kurso sa pagiging ninja at baka lahat ay gustuhing mag-aral.
Tambay na mga gradweyt
Mayroong isang nadiskubre sa mga kasalukuyang gradweyt at ito ay isang malawakang pangyayari sa buong mundo. Ang post-graduate stagnation o tambay na mga gradweyt ay isang pangkaraniwang nangyayari kapag hindi konektado ang mga institusyon sa paaralan. Kaya naman, ang mga paaralan, kahit na nag-ooffer ng mga trabaho ay hindi maiiwasan na makuntento ang mga gradweyt sa kanilang pagtambay sa bahay, pinupunan ang trabaho ng mga katulong bilang paumanhin. Kaya ang iba pinupwersa ng kanilang kamag-anak na humanap ng pagkakakitaan, dahil nararamdaman nila ang bigat ng kanilang presensya. Maraming biro sa news na gobyerno ang naghahanap ng trabaho para sa kanila. Dahil nga naman, limitado ang mga trabaho at masyadong mahirap maghanap ng maayos na trabaho na maayos din magpasweldo, hindi natin masisisi ang mga tambay kung hindi kakayaning mabuhay sa ganitong klaseng mundo.
Ano ang alternatibo?
Maraming realisasyon na nangyari sa panahon ng pagmumulat. Isinakatuparan ng karamihan ng rebolusyunaryong adhikain ang pagdidisenyo ng edukasyon gamit ang partisipasyon ng tao, paglubog ng tao sa komunidad, at paggamit ng mga senses sa katawan upang matutong manaliksik sa paligid at realidad. Dito nabubuo ang imahinasyon ng mga tao sa simpleng pagkilala o familiarization sa kinagagalawan niyang mundo at ibalik ang ligaya sa pagkatuto, imbes na nakakulong lang sa paaralan at isinisiksik ang lahat ng dapat isiksik sa utak.
Sa pag-aaral ko ng taxonomy bilang pinakamahirap na kurso sa panggugubat, nadiskubre ko na konektado ang memorya at interes ng tao kasama ang paulit-ulit na interaksyon at relasyon niya sa mismong halaman hanggang mabuo ang kanyang kaalaman. Kaya, ang tao ay natural na aaralin niya kung paano hanapin ang mga halaman na kailangan niya o gustong pagkaabalahan kahit hindi pa niya alam ang siyentipiko o lokal na pangalan. Ganun din ang nangyari sa matematika. Nang ipakita ko ang konsepto ng paghahati sa praktikal na paraan ay talaga nga naman masnaintindihan kahit ng matatanda ang fractions. Naipapaliwanag natin ang mga kumplikadong bagay simple man o hindi, kapag nilulong tayo sa praktikal na paggamit nito. Sa buong adhikain ng mga rebolusyunaryo, isinesentro nito ang mag-aaral bilang tagapagkontrol at tagapagturo ng sarili niyang edukasyon, na siya ring tagapagsulong at siya ring tanging sumusukat ng kanyang pag-unlad habang hinahamon ng realidad at makabuluhang puna ng mga tao.
Abolisyon ng trabaho
Isang napakagandang hangarin na magkaroon ng kulay sa ating mga gawain at magawa ang mga gusto nating pagbabago sa mismong mga kamay natin. Ika nga, noong ako ay napadpad sa komunidad ng libis, jamboree, nakita ko ang napakagandang karatula: “pumili ka ng trabaho na gusto mo, at hindi mo mararamdaman na nagtrabaho ka sa buong buhay mo” pero sa English nakasulat. Isang nakakatawang pabiro ng aking kaibigan, pwede namang hindi ka magtrabaho… Akala ko ito ay isang biro o alamat lamang, ngunit posible pala itong mangyari kung malaliman nating pag-isipan.
Paano kung kumikilos lang ang mga tao upang matugunan ang mga kakailanganin niya? Paano kung mayroon tayong isang malaking silid-aklatan ngunit imbes na libro ay mga kagamitan ang hinihiram sa pangaraw-araw tulad ng walis, rice cooker, sampayan, o kahit mga kinokonsumo natin tulad ng gamot, at kapag natapos ay maaaring palitan o ibalik ito sa silid?
Paano kung nagreregalo lahat ang mga tao, sa kapitbahay kakatok lang tayo at makikiusap kung pwedeng magamit ang serbisyo nila, at tayo naman ay kakatukin din kung maaaring gamitin ang serbisyo natin? Walang presyo na nakaabang at lalabas ang tunay na utang na loob na hindi sapilitan o walang obligasyon at hindi nasusukat ng anumang salapi. Pawang pagtulong sa kapwa na nangangailangan dahil pinapaganda nito ang relasyon natin sa isa’t isa. Ito rin ang susi upang mai-angat natin ang hindi makapagsabayan sa takbo ng mundo, mga PWD at tayong mga taong api na kumakapa-kapa at naghahanap ng silbi sa mundong itinuturing tayong pabigat.