I. Introduksyon sa Food Not Bombs
A. Kasaysayan ng Food Not Bombs
B. Mga Adbokasiya at Ipinaglalaban ng Food Not Bombs
C. Mga Taktika ng Food Not Bombs sa Pamamahagi ng Pagkain at Ideya
II. RESEPSYON NG LOKAL SA FOOD NOT BOMBS
C. Ang mga Boluntaryong Nag-oorganisa
III. Isang Obserbasyon: Food Not Bombs Bilang Lunsaran tungong Panlipunang Kamalayan at Anarkismo
Ang Food Not Bombs ay ang pagkolekta at pamamahagi ng pagkain nang walang kapalit. Tugon ito sa malawakang suliranin sa kagutuman na nararanasan sa buong mundo. Kinukundena nito ang labis na pagtuon ng mga pamahalaan sa digmaan para sa kita, imbes na pagtuon sa mga batayang pangangailangan ng mga mamamayan. Una sa mga pangagailangang ito ang sapat at masustansyang pagkain.
Ang Food Not Bombs ay umusbong sa U.S. noong 1980’s. Sinimulan ito ng walong indibidwal na sina Jo Swanson, Mira Brown, Susan Eaton, Brian Feigenbaum, C.T. Lawrence Butler, Jessie Constable, Amy Rothstein at Keith McHenry.[1]
Unang nakilala ang Food Not Bombs sa New Hampshire. Nagsimula ito nang magkaroon ng mga protesta laban sa pagpapatayo ng Seabrook Nuclear Station sa lugar. Nagsagawa ng mga pagharang ang ilang mga lokal at mag-aaral ng mga unibersidad. Hinarang ang mga sasakyang gagamitin sa konstruksyon ng nasabing planta na pininansyahan ng National Bank of Boston.
Nalaman ng grupo na kumikilos na ang mga taong nakaupo sa Board of Utility na nag-apruba ng pagtatayo ng planta at ang mga taong nakaupo sa kompanyang kinontra para itayo ito, maging ang mga nakaupo sa Board ng nasabing banko, ay mga magkakakilala kung di man parehong mga tao. Mula dito, nailinaw ng mga kumikilos ang ugnayan ng digmaan at ng pangangapital.
Lumipas ang mga buwan at naging mainit lalo ang isyu. Sinubukan ng mga nagpo-protesta na pasukin ang site ng planta. Gumamit ng teargas at pamalo ang kapulisan para pigilan ito. Sa sumunod na araw, inaresto si Brian Feigenbaum, mag-aaral ng Law sa Boston University, sa kasong pananalakay umano sa isang pulis.
Umani ng suporta si Feigenbaum sa kanyang pagka-aresto. Naging matunog ang pangalan niya sa kanilang lokalidad. Nag-isip naman ang ilang kaibigan kung paano makapagbibigay ng pinansyal na suporta kay Feigenbaum. Naisip nilang gumawa at magtinda ng mga tinapay para makalikom ng salapi. Hindi man ito nakabuo ng malaking halaga, may nabuo silang istratehiya sa kanilang mga protesta. Nakapaglabas sila ng pahayag na nagsabing “Magiging dakila ang araw kung kailan makukuha ng mga paaralan natin ang salaping kailangan nito, at kakailanganin ng Air Force na magbenta ng tinapay para makabili ng Bomber.”[2] Nagpakalat sila ng mga polyeto at nag-spraypaint sa mga establisimyento. Isa sa mga pahayag ay tulad nito: “More money for food, not bombs.”[3] Kinabukasan, naisip ng grupo na gamitin ang pahayag na ito bilang pangalan ng kanilang kolektiba. Papaikliin lamang at gagawing: Food Not Bombs. Hindi na kailangan na maging maligoy pa. Masasabi na agad ng pangalan ang pakay at mensahe nila.
Simula noon naging malinaw ang adbokasiyang ipinaglalaban ng Food Not Bombs: ang pagbibigay ng halaga sa problema sa kagutuman, kaysa sa pagpipinansya sa digmaan para makuha ang tubo nito. Mas nailinaw pa ito nang namahagi na sila ng mga babasahin tungkol sa iba-ibang mga paksa na kaugnay ng Food Not Bombs, at kung minsan sa pamamagitan ng mga mala-teatrikong pagtatanghal.
Lalong naging matunog ang Food Not Bombs nang sumama na ito at naghanda ng pagkain para sa mga sunod pang protesta. Lalo pa noong magsimula ang mga pag-aaresto sa kanila dahil sa pagbabahagi nila ng pagkain. Isa sa mga mahalagang tagpo ay nang arestuhin ang siyam na tao dahil sa pamamahagi ng pagkain sa Haight Ashbury Park noong August 1988. May 45 na Riot Police ang lumitaw mula sa kakahuyan at inaresto ang siyam sa namamahagi ng pagkain.
Nagbunsod pa ito ng mas maraming pag-aresto nang magkaroon ng mga protesta bilang pagtuligsa sa naunang mga pag-aresto. Nabalita ito sa CNN, New York Times at London Times. Paglipas ng ilang araw, nagbigay ng pahayag ang mga pulis at sinabing pwede lamang gawin ang pamamahagi ng pagkain “sa gitna ng karagatan”. Ayon sa kanila, hindi ito maaaring gawin sa mga pampublikong lugar. Dagdag pa ng kapulisan, “Nagsasagawa lang kasi sila ng politikal na pamamahayag at hindi iyon pinapayagan.”[4]
Pagkalipas ng Mayo 1 ng taong iyon, araw ng paggawa, inisyuhan ng permiso ni Mayor Art Agnos ang grupo pagkatapos nilang makipag-usap para matigil na ang mga pag-aresto. Dahil dito, mas umani ng pagkilala ang Food Not Bombs maging sa ibang bayan. Sinabi ni McHenry,
“...When we were first arrested, people noticed that sharing food to the hungry is America’s version of India’s Salt Marches... Arresting volunteers for sharing vegetarian meals was a graphic example of misguided policies of corporate and political leaders in the United States.”[5]
Noong una kaming maaresto, napagtanto ng mga tao na ang pagbabahagi ng pagkain sa mga nagugutom ay ang bersyon ng America ng Salt Marches ng India... Ang pag-aresto sa mga boluntaryo dahil sa pagbabahgi ng pang-vegetarian na pagkain ay malinaw na halimbawa ng baluktot na polisiya ng mga korporasyon at politiko ng Estados Unidos. (Salin ng Mananaliksik)
Umusbong ang ikalawang chapter ng Food Not Bombs sa San Francisco noong 1988. Binuo ito matapos ang isang insidente. Pinipigilan noon ng Nuremberg Action[6] ang pagtawid ng mga armas mula Concord Naval Station sakay ng tren. Humihiga ang mga aktibista sa riles ng tren para pigilan ang mga ito na makarating sa Central America. Isang araw, hindi tumigil ang tren at naputulan ng binti si Brian Wilson, isang aktibista ng Veterans For Peace. Bilang pakikisama, itinayo ni McHenry ang ikalawang chapter ng Food Not Bombs. Unang naging aksyon nito ang paghahanda ng pagkain sa mga nagpro-protesta laban sa Nevada Test Site.
Habang isinasagawa ito, nakarating kay McHenry na may grupo sa Long Beach, California na nangongolekta ng pagkain para ibahagi sa parke sa kanilang lokal. Narinig daw nila ang tungkol sa Food Not Bombs at inisip na hiramin ang ideya ng pangalan. “Bread Not Bombs” ang naisip nila. Pero iminungkahi ni McHenry na gamitin na lang ang “Food Not Bombs”. At noon nabuo ang ikatlong chapter ng Food Not Bombs.
Paglipas lang ng tatlong dekada, nagkaroon ng mga lokal ang FNB sa mahigit 1000 lugar sa buong mundo, matapos kumalat sa Estados Unidos. Kabanggit-banggit ang mga bersyon sa mga bansa gaya ng Mexico, Argentina, Nigeria, Kenya, Romania, Australia, Germany, Iceland, England, Sweden, Finland, Spain, Poland, Israel at Russia. Marami sa mga bansang ito ay itinuturing na maunlad, ngunit napatunayan at nai-dokumento sa mga aktibidad ng Food Not Bombs na marami pa din ang nagugutom at walang permanenteng tirahan sa mga lugar na ito.
Ilan sa mga bansang napaglunsaran naman ng Food Not Bombs sa Asya ay Indonesia, Cambodia, Thailand, Myanmar, Philippines, Malaysia, China, Singapore, Israel, Japan, Turkey, Georgia at South Korea.[7]
Sa konteksto ng Asya-Pasipiko, masasabing naging kahali-halina din ang ideya ng Food Not Bombs bilang istratehiya ng protesta. Karamihan sa mga bansa sa rehiyong ito ay itinuturing na bansang papaunlad pa lang, o sa salita ng iba, ikatlong mundo o third world. Sa mga ganitong bansa, naging prayoridad ang pag-export ng pagkain imbes na ang pagseguro ng sariling kaban.
Lumalabas na Asya-Pasipiko ang may pinakamataas na tala ng pagdagdag sa bilang ng mga nagugutom. Umabot ito ng 41 million ayon sa tala ng Food and Agriculture Organization noong 2009.
Sa bansa gaya ng China naging prayoridad ang pagpapatubo ng pagkain para sa livestock na binibili ng mga may-kaya. Nagbunsod ang mga ganitong gawi, ang kakulangan sa binhi para sa tao, sa pagtaas ng presyo nito. At dahil sa pagtaas ng presyo ng pagkain sa mga bansang may mataas na bilang ng maituturing na mahihirap, tumaas lalo ang bilang ng mga nagugutom.
Kabanggit-banggit din ang kaso ng Pilipinas na mula sa pagiging exporter ay naging pinakamalaking importer ngayon ng bigas sa buong mundo. Sa kaso naman nito, naging malaking hadlang sa pagseguro sa pagkain ang mga bumabang taripa sa mga inaangkat na produkto na bunsod ng mga “Free-Trade Agreements”. Mababa ang presyo ng mga imported kaysa mga lokal na produkto. Hindi ito natatapatan ng mga lokal na magsasaka kaya mas tinatangkilik ng mga mamimili ang inaangkat na produkto. Mahigit 1 milyong magsasaka ang nawalan ng trabaho noong 2001. Lumiit din ang budget para sa agrikultura at pamamahagi ng lupa dahil sa pagbabayad ng utang-panlabas. Dahilan din ang pagtuon ng gobyerno sa dayuhang puhunan sa bansa. Naging palakaran ng gobyerno na himukin ang mga dayuhan na upahan ang mga lupain sa Pilipinas para kumita sa industriya ng pagkain at pagkuha ng likas na yaman. [8]
Idagdag natin sa mga dahilan ng kagutuman ang malawakang mono-cropping[9] para sa mga pagkaing komersyal, at pang-export. Isama na din ang paglakas ng extractive industry ng mga bansa, o yung pagkuha ng enerhiya sa lupa na nagbubunsod sa pagkasira ng mga dating pinagkukunan ng pagkain gaya ng mga bundok at dagat. Halimbawa ang kaso ng mga leak o tagas mula sa mga minahan, katulad na lang sa Boac, Marinduque kung saan hindi lang isang beses nagkaroon ng tagas. Ngayon, ang ilog Boac ay hindi na pinangingisdaan dahil sa pangambang kontaminado ang mga isda rito na kapansin-pansin ang paninibago sa kulay at hitsura. Maging ang mismong ilog ay nagbago din ng kulay. Ang karanasan naman ng Kulon Progo Food Not Bombs sa Indonesia ay halimbawa ng laban ng mga pesante sa mga nangangamkam ng lupa para magtayo ng minahan. Isa iyong laban para sa seguridad sa pagkain na dekada na ang itinagal.
Bukod sa pagiging malinaw ng kampanya ng Food Not Bombs laban sa pamumuhunan sa giyera at mga armas, malinaw na tinutuligsa din nito ang konsumeristang pamumuhay. Binanggit ni E.F. Schumacher sa librong Small is Beautiful ang pahayag ni Mahatma Gandhi nang sabihin nitong sapat ang likas na yaman ng mundo para sa pangangailangan ng lahat, pero hindi sapat para sa kasakiman ng iilan. Sinabi rin niyang hindi dapat tanungin ang mga ekonomista kung ano ang “sapat”. Para sa kanila, ayon kay Schumacher, ang pinakamataas na uri ng kabutihan ay ang ekonomikong paglago, na walang malinaw na konsepto ng “sapat”, kundi ang “sapat” na magpapanatili ng inseguridad ng mga manggagawa para magpatuloy silang magtrabaho para sa kita ng namumuhunan.[10]
Binanggit ni Chris Butler na nagtatapon ng mga mansanas ang mga namumuhunan sa Amerika para pataasin ang presyo nito.[11][12] Ayon ito sa doktrina ng Law of Supply and Demand ni Adam Smith. Ito ay habang marami ang nagugutom sa ibang panig ng mundo.
Ang paghihikayat sa mga tao na kumunsumo ng maraming produktong karne ay kakikitaan din ng pagmamalabis. Imbes na magtanim ng natural na uri ng mga halaman para sa pagkain ng tao, nagtatayo ng malalaking GMO (Genetically Modified Organism) farms para ipakain ang mga naaani nito sa mga kakataying hayop. Sinasabing sobra pa sa pangangailangan ng lahat ng tao ang mga tanim na ito pero pinipiling ipakain ito sa mga hayop na bibilhin sa mas mataas na presyo. May mga kompanya pa na pang-agrikultura, gaya ng Monsanto na nagpaparehistro ng patent ng mga buto kaya naman nagkakaroon sila ng dahilan para kasuhan ang maliliit na magsasaka na nagtatanim ng mga butong na-kontamina ng butong “inimbento” nila.
Napatunayan ding maaksya sa yamang tubig ang mga ganitong mga factory-farms. Habang naghuhukay sa ilalim ng lupa, at nag-iipon ng hamog ang mga tao sa disyerto para may mainom, ipinanlilinins at ipinandidilig naman sa halamang kakainin ng mga hayop ang libu-libong litro ng tubig. Ayon sa librong The Higher Taste, para makapagproseso ng isang kilo ng baka, gumagamit ng 50,000 litro ng tubig para sa mga pananim na ipapakain, at ipanglilinis sa mga hayop. Tinatayang 16,400 ng litro naman para sa isang kilo ng baboy at 8,200 liters para sa kilo ng manok. [13]
Hindi din maikakaila ang dami ng krudo na ginagamit, di lang sa pagproseso ng pagkain, kundi pati sa paghahatid nito sa mga palengke at hapag. Sa U.S., tinatayang, bumabyahe ng higit 1500 milya ang pagkain bago makarating sa palengke.
Sa kabila ng industriyal at sistematikong pag-unlad sa proseso ng paglikha at pagbyahe ng pagkain sa buong mundo, isa sa tatlong bahagi ng pangkalahatang pagkain ang nasasayang. Sa mga “bansang umuunlad” gaya ng Pilipinas, 40% ang nasasayang na pagkain bago pa makarating sa hapag. Sa kaso ng Pilipinas, ang pinakasanhi nito ay kakulangan ng budget sa modernong teknolohiya at kaalaman, sa imprastraktura gaya ng irigasyon at maayos na daan papunta sa mga palengke, sa kakulangan ng panungkulan sa lupa, at kakulangan ng suporta sa pananaliksik at mga inobasyon.[14]
Tatlo sa sampung bata sa Pilipinas ang naituturing na malnourished o kulang sa sustansya. Sa kabila nito, nanatiling mas mataas ang inilaang budget para sa “Public Order and Safety” na kinabibilangan ng hukbong militar at kapulisan kaysa agrikultura. Noong 2016, P200 bilyon ang inilaan para dito kumpara sa P120 bilyon na inilaan para sa agrikultura. Malaking porsyento nito o P140 bilyon ang para sa Military.[15]
Dahil sa kalagayang ito ng sitwasyon sa pagkain, hindi kataka-taka na lumaganap ang mga pagkilos ukol dito. Isa na nga dito ang Food Not Bombs. Kung babalikan ang mga nabanggit sa itaas, may dahilan ang Food Not Bombs para maglunsad sa Pilipinas. Ganunpaman, hindi maikakaila na dahilan din ang kakaibang mga taktikang ginagamit ng Food Not Bombs sa paglaganap nito. May taktika ito ng pagka-malaya o desentralisado. Angkop ito para sa isang bansang pulu-pulo, at isang network na walang malinaw na komunikasyon.
Maiging banggitin ang mga taktikang ginagamit ng Food Not Bombs[16] para mas maintindihan ang adbokasiya nito. Sa pag-isa-isa nito, magiging mas malinaw ang larawan ng Food Not Bombs.
Laging mainit na pagkain ang inihahain sa Food Not Bombs. Bukod sa paniniguro na ligtas itong kainin, sumisimbulo din ang pagiging mainit ng pagkain sa mainit na damdaming ibinabahagi.
Sinisiguro na Food Not Bombs na masustansya, walang artipisyal na pampalasa, at pang-vegetarian ang inihahain na pagkain. Ang mga volunteer mismo ang nagluluto para masiguro ito. Bukod sa mura, masustansya din ang mga gulay. Hindi din ito kasingbilis mapanis ng karne.
Kalakhan ng pagkaing inihahanda ay kinikolekta sa mga palengke at establisyimento. Ganunpaman, sinisigurong malinis at maaayos pa ang mga sangkap na ginagamit. Sa paraang ito, nababawasan ang itinatapon at nasasayang pagkain sa mga lungsod. Naililinaw din ang adbokasiya sa mga hinihingian ng pagkain para makasama sila sa napapaliwanagan tungkol sa adbokasiya ng Food Not Bombs. Sa pagbanggit ng taktikang ito sa mga kumakain, nalalaman nila na maaari palang mahingi ang pagkain kahit sa mga establisyimento.
Pinipili ng Food Not Bombs ang mga mataong lugar bilang dausan ng kanilang pagbabahagi ng pagkain. Ito ay para mabahaginan ang mas maraming tao at makatawag ng mas maraming atensyon para sa kanilang mensahe. Halimbawa na lang nito sa Pilipinas ay sa mga parke, simbahan, kalye, informal settlers area, at umaabot pa sa pamayanan ng mga katutubo gaya sa Quezon. Sa US, tinatawag nilang “office” ang mga lugar na napipili nilang pagbahaginan.
Ine-engganyo ang mga Food Not Bombs Chapter na maging regular sa kanilang aktibidad para maging mas epektibo sa pagpapalagananp ng kanilang mensahe.
Hindi isang membership group ang Food Not Bombs. Ibig sabihin, hindi kailangang magpalista para makatulong sa mga nagsasagawa nito. At hindi din kailangang magpaalam sa sinuman para isagawa ito.
Sumasabay sa mga piling kilos-protesta ang Food Not Bombs para makasalamuha ang mga taong may kaparehong adbokasiya. Ganunpaman, madalas ding Food Not Bombs ang nagpapasimula ng aktibidad. Dinadagdagan na lamang ito ng mga pagtatanghal ng musika, tula , dula , at pamamahagi ng mga babasahin ukol sa epekto ng kapitalismo sa tao at kalikasan.
Hindi tumatanggap ng donasyon ang Food Not Bombs mula sa mga kompanya o establisyimentong sumusuporta sa digmaan at pagsira sa kalikasan. Hindi sila pumapayag sa mga kompromiso gaya ng pagpapalit ng pangalan o pagiging “di-gaanong politikal” para makatanggap ng donasyon. Halimbawa sa nakaraan, may ilang mga tangka ang mga korporasyon at negosyo na magbigay ng donasyon sa kondisyong babaguhin ng Food Not Bombs ang pangalan nito.
Hindi humihingi ng permiso o permit ang Food Not Bombs sa kanilang pagbabahagi ng pagkain. Bukod sa kumukontra ito sa pahayag ng Food Not Bombs na ang pagkain ay para sa lahat, naiiwasan din ang paglilimita sa galaw ng mga grupong FNB dahil sa pagsasantabi ng proseso ng pagkuha ng permit.
Mahigpit ang Food Not Bombs sa paniniwalang hindi dapat maging bayolente sa programang ito. Kahit pa gamitan sila ng awtoridad ng dahas sa pagpapaalis, pag-kontrol, o pag-aresto sa kanila. Ang digmaan ay malawakang karahasan kaya nila ito tinutuligsa.
Sinisigurado ng Food Not Bombs na nagpa-plano sila sa paraang transparent. Sa paraang ito, naiintindihan ng bawat kasapi ang nagaganap at ang proseso sa pagsasagawa nito. Dahil dito madaling mapalaganap ang Food Not Bombs. Napapanatili din ang tiwala sa bawat miyembro dahil dito.
Sinisigurado ng Food Not Bombs na nagpa-plano sila sa paraang konsenswal. Sa paraang konsenswal naman, lumalabas ang pinaka-akmang ideya ayon sa kagustuhan ng bawat miyembro. Ito ay hindi kumpetisyon ng mga idea kundi isang paraan para maabot ang pinakamahusay na desisyong inambagan ng lahat. Sa paraan ding ito kung saan walang pinuno, naiiwasan ang korupsyon ng iisa sa lahat. Naiiwasan ang pagkamatay ng Food Not Bombs, maaresto o humimpil man ang isa sa mga miyembro. Naiiwasan din ang pagsasabotahe sa pamamagitan ng paglalagay ng ahente ng kalaban sa pamunuan ng organisasyon.
Sa obserbasyon sa mga bersyon ng Food Not Bombs sa kapuluan, karamihan kung di man lahat ng taktikang ito ay isinasagawa. Halimbawa, may pagkakataong bumibili ang mga organisador ng mga sangkap imbes na humingi. May mga chapter ng Food Not Bombs dito na nananatili sa isang lugar gaya ng FNB Baliuag Bulacan na linggu-linggong nasa simbahan ng Baliuag. Samantala, ang mga nagsasagawa ng FNB sa Manila ay madalas na lumipat-lipat ng lugar para ma-serbisyhuhan ang mas marami at iba-ibang tao.
Mayroon ding kakaibang paraan ang isang Food Not Bombs group sa Kota Kinabalu, Malaysia. Matindi daw ang pagbabawal sa kanila ng pamahalaan kaya minsan ay inihahatid nila ang mga pagkain sa mga bahay. Karamihan sa mga hinahatiran nila ay mga refugees mula sa kapuluan sa Mindanao at Celebes. Mga indokumentado silang hindi nakakapag-aral at walang ligtas at permanenteng trabaho. Kung minsan naman, ipinagbibili nila ang mga pagkain sa halagang katumbas halos ng piso. Ito ay para iwasan ang awtoridad na nagsasabing bawal ang pagbibigay ng pagkain nang libre. Noong unang mga taon naman daw nila, kinakasabwat nila ang mga empleyado ng mga kainan para ipuslit palabas ang mga pagkaing maayos pa ngunit piniling ipatapon ng mga may-ari.[17]
Iba-iba man ang taktika, kahanga-hanga kung paanong ang karamihan sa mga chapters ay nagagawang sundin ang mga batayang pilosopiya ng FNB kahit hindi sila gaanong nakikipag-ugnay sa isa’t isa, o kahit walang direktang ugnayan ang mga ito sa mga nagpasimula ng FNB sa ibang bansa. Natutunan lamang nila ito sa mga babasahin at mga kwentuhan. Sa katunayan, kung titignan ang website ng Food Not Bombs (Global)[18], makikitang hindi lahat ng aktibong Food Not Bombs chapter ay nakalista sa kanilang database.
Sa Pilipinas, ilan sa mga grupo ng Food Not Bombs ay nakita at makikita sa mga lugar gaya ng Manila, Rizal, Bulacan, Laguna, Cavite, Quezon, Cebu, Bicol, Pangasinan, Tarlac, Baguio, Negros, Cagayan De Oro, Gen. Santos, Iligan at Davao[19]. Sa bahaging ito, bibigyang-pansin ang reaksyon ng (1) madlang binabahaginan ng Food Not Bombs,(2) ang tugon ng mga awtoridad, at (3)ang naging epekto ng kilusang ito sa mismong mga boluntaryong nagsasagawa nito na kinapanayam.
Sa kalakhan ng mga naunang Food Not Bombs sa America, mainit ang pagtanggap ng mga napapakain nito. Sa libro ni McHenry, di iilang ulit na nangyari na ang mga publikong mismo ang nagtatanggol sa mga boluntaryo ng FNB mula sa pagbabawal at pandarahas ng mga awtoridad. Dito sa kapuluan, mahigit kalahating milyon ang walang tirahan[20] at mahigit 6 milyon [21] ang walang trabaho.
Isang nakababahalang kaso naman ang isinaad ni McHenry sa kanilang libro. Noong dekada 70, na tinawag nilang ikalawang Great Depression matapos ang dalawang digmaan, naging pinakamalawak ang kawalan ng trabaho sa US. Noong mga panahong iyon, may mag-iina ang napakain ng mga boluntaryo ng Food Not Bombs. Makalipas ang ilang taon, nakita muli ng inang ito ang Food Not Bombs at dali-daling nagbigay ng donasyon. “ Niligtas ng Food Not Bombs ang buhay ng mga anak ko!” ang sabi nito. Umamin ang babae kay McHenry na noong una niyang nakita ang FNB, dadalhin na sana niya ang mga anak niya sa tulay ng Ilog Sacramento para ihulog doon kasama ang sarili, para makatakas sa kagutuman. Ipinapahiya umano sila sa mga ahensya ng gobyerno. Pero naging mabait daw sa kanya ang mga boluntaryo ng FNB at iyon ang nagbigay sa kanya ng pag-asa na mapgpatuloy. [22]
Sa Pilipinas, mainit din ang pagtangkilik ng madla sa Food Not Bombs. Ginagawa ito madalas sa mga plaza o sa mga kalyeng dinadaanan ng maraming tao. Marami sa mga tumatangkilik ay iyong mga nasa ilalim ng tinatawag na linya ng kahirapan o poverty-line, o mga hindi nakakakain ng tatlong beses sa isang araw. Kabilang na dito ang mga batang palaboy at iyong mga walang tiyak na tirahan. Tinatangkilik din ito ng mga mamamayang hindi man maituturing na nagugutom ngunit nagkakaroon ng interes sa pamamaraan at adbokasiya ng Food Not Bombs. Sa mga nagsasagawa nito sa Pilipinas, hindi nagiging problema ang kakulangan sa tumatangkilik, nakikikain o nakikipagkwentuhan. Mas nararanasan pa ang problemang nagkukulang ang hinahaing pagkain.
Higit pa sa pagpapakain, ang pakikipagkwentuhan kasama ang madla ang magandang pagtuunan ng pag-aaral tungkol sa Food Not Bombs. Nakakasalamuha ng mga boluntaryo ang mga taong madalas ay di pinapansin, iniismiran, o dinadaanan lang ng marami.
Laking pagtataka naman ng mga nakikikain kung paanong nagagawa pang magpakain ng mga boluntaryo ng Food Not Bombs sa mga tao, gayong wala naman palang nakukuhang budget ang mga nagsasagawa nito. At lalong walang natatanggap na sweldo ang mga boluntaryo. Malalaman pa nilang ilan sa mga nagbo-boluntaryo ay mga walang trabaho pero nagagawa pa ring magpakain o magbahagi ng mga gamit.
Sa isang paglahok ng mananaliksik sa isang Food Not Bombs activity ng Etniko Bandido Infoshop sa Pasig, may nagtanong kung mayayaman ba ang mga boluntaryo at nagagawang magpakain sa mga tao. Sumagot ang boluntaryo sa pagsasabing, “Hindi po kami mayaman... Pero hindi naman po kailangang maging mayaman para makapagbahagi, di ba? Kung minsan, yung mga mayayaman pa ang hirap na hirap sa pagbabahagi ng kita nila.”[23]
Sa mga akitibidad ng Food Not Bombs, nalalaman ng mga tao na marami palang itinatapon na pagkain sa mga palengke at mga estabisyimento. At nagagawa palang hingiin ang mga ito. Mas mahirap nga lang daw na humingi sa malalaking establisyimento gaya ng McDonalds at Jolibee at mga malls gaya ng SM at Ayala, at mga hotels, ayon sa mga boluntaryo. Dahil ito sa palakaran ng mga establisyimentong ito na walang pwedeng makinabang sa itinatapon nilang pagkain kahit maayos at makakain pa ito. Kahit mga manggagawa o empleyado ng ilan sa mga establisyimentong ito ay binabawalang mag-uwi o mamigay ng mga pagkaing ito. Ang umusbong din na kultura ng “pagpag” sa Pilipinas o pagkuha ng itinapong pagkain para ibenta o kainin, ay itinuturing na bawal. Ayon naman sa mga boluntaryo, pinakamadaling humingi ng pagkain sa mga palengke sa umaga, bago ito magbukas, at sa gabi, bago sila magsara.
Hindi naman din lahat ng tumatangkilik o natutuwa sa konsepto ng Food Not Bombs ay mahihirap. Marami ding mga may kaya ang humihinto, nakikikain at nakikipagkwentuhan sa aktibidad ng Food Not Bombs. Madalas pareho ang mga katanungan nila sa katanungang nabanggit sa itaas ng mga madalas makikain: Paano at bakit isinasagawa ang Food Not Bombs? Madalas ding itinatanong sa mga boluntaryo kung ano ang nakukuha nila sa pagsasagawa nito. Ito ay tanong na susubukang sagutin sa huling bahagi ng chapter na ito, sa tulong ng mga panayam sa mga boluntaryo.
Sa mga panayam na ito, nalamang marami sa mga Food Not Bombs chapter ay inalok na ng pinansyal na suporta. May mga grupong FNB na tumatanggap ng mga donasyon, kung nakilala na nila nang lubos ang nag-aalok. Sa ibang grupo naman, mas hinihikayat nila na maging bahagi sa aktwal na paghahanda ang mga nais tumulong. Halimbawa na lang sa pagkolekta ng pagkain, paghahanap ng lugar na paglulutuan, mismong pagluluto, at sa pagbabahagi ng pagkain. Sa ganitong paraan mas naipapaliwanag nila ang kanilang layunin, kumpara sa pagtanggap ng dole-out.
Madiin ang mga Food Not Bombs chapters sa pagsasabing ang Food Not Bombs ay hindi institusyong pang-charity. “Hindi hinihikayat ng FNB ang ‘donor and beneficiaries relationship’ na siyang isang uri ng hierarchical relation”[24]. Bagkus ito ay para sa pagmulat at pakikiisa o pakikisama sa mga biktima ng kagutuman. Katunayan, isa sa mga kolektibang nagsagawa ng Food Not Bombs sa Sapangpalay, Bulacan ay pinangalanan ang sarili nila bilang Mutual Aid Not Charity[25]. Nililinaw nila na ang kanilang pagtulong ay hindi dahil mas mayaman, mas matalino, o mas nakakaangat sila kaysa sa mga tinutulungan. Ginagawa nila ito nang may pag-iisip na kapantay nila ang mga tinutulungan, na katulad lang din nila sila, na mga taong may pangangailangan at madalas ay naabuso ng mga mas tuso. Ipinagpapalagay din ng grupo na may mga kakayahan din ang mga tinutulungan nila, na kaya din tumulong ng mga ito sa iba sa napakaraming mga paraan. Sa isang kalagayang marami ang nahihirapan sa buhay, ang pagtutulungan at pagbabahaginan ay isang epektibong sandata para labanan ang mga ito. Lalo kung isinasantabi na sila ng mga instistusyon at ahensyang dapat ay tumugon sa mga isyung ito.[26]
Hindi nawawala ang mga ganitong kwentuhan sa mga aktibidad ng Food Not Bombs. Maraming pagkakataon naman na isinasabay ang FNB sa ibang aktibidad gaya ng Free Market[27],ng Free School o libreng pagtuturo ng pagbasa, pagsulat, o pagguhit, at Radyo-Kalye,[28] mga pagtatanghal gaya ng musika at pagtula, at maraming ibang mga aktibidad.
Malaki ang tulong ng pamamahagi ng polyeto para sa anumang adbokasiya. Sa pamamagitan nito, naipapaabot ng grupo ang kanilang adbokasiya o mensahe kahit sa mga tao na walang panahong humimpil at mga napapadaan lang. Sa huling bahagi ng chapter na ito ay palalawigin pa ito. Sa ngayon, sisipiin muna ang isang polyeto na ginamit ng mga indibidwal na nagsagawa ng Food Not Bombs sa Luneta kasabay ng Free Market at Free Library. Naging tugon ito ng isang nabuong grupo sa pagdedeklara ng Martial Law sa buong Mindanao nitong taong 2017. Para magkaroon ng ideya sa nababasa ng mga tao, narito ang sipi mula sa polyetong inilabas ng grupo na hindi na pinangalanan ang sarili, bagkus ay ginamit na lang pamagat ng aktibidad na Solidarity Against War bilang pagkakakilanlan:
“...Ipinapaalala ng FNB na ang pangunahing pangangailangan ng mga tao ay pagkain, at hindi digmaan. Digmaan na madalas ay pakana lang ng mga nasa posisyon o naghaharing uri. Digmaan na inilulunsad kahit walang pagsangguni sa mamamayan gayong sila naman ang unang nahihirapan dito dahil sa gutom o dahil sa pagkawalay sa mga minamahal. Kinukundena ng FNB ang pag-uukol ng limpak-limpak na buwis para sa digmaan (na hindi para sa pagtatanggol) gayong milyun-milyon pa din ang nagugutom. Mahihirap ang pumapasan (nagbabayad ng buwis araw-araw) sa kalakhan ng ginagastos dito. Habang nakakatakas naman sa pagbabayad ng buwis ang malalaking korporasyong lokal at banyaga sa pamamagitan ng magagaling na abogado at mga di patas na “agreements” o “partnership” gaya ng sa Foreign Investment Policies sa bansa, Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) at Trans-Pacific Partnership (TPP).
Nagkaroon na ng sariling bersyon ng FNB ang mga nasa arkipelago. Tinawag itong Pagkain Hindi Bomba/ Pagkaon Diri Bomba/ Food Not Bombs --(pangalan ng lugar, hal. FNB Lucena). Depende kung saang lugar ito makikita. Gaya sa ibang bansa, humarap na din ito ng paninita, o kung minsan ay pag-aaresto, mula sa mga otoridad. Naniniwala yata sila sa mga Boss na nagsasabing hindi dapat libre ang pagkain, na dapat ay binibili ito sa kanila. Gayong umunlad at natural sa ating mga tao, lalo na sa ating mga nasa kapuluan ang pagbibigayan.”
Isa lamang ito sa mga polyetong ipinamamahagi ng mga FNB chapters. Kadalasan ay gumagawa ng kanya-kanyang polyeto ang bawat chapter. Madalas din na may ibang isyu na sinasabayan o tinutuunan ang mga boluntaryo ng Food Not Bombs, kaya sa mga isyu na ito naka-ukol ang ibang polyeto. Sa huling bahagi ng chapter na ito tatalakayin ng mas malalim ang tungkol dito. Samantala, tatalakayin muna ang resepsyon ng mga awtoridad sa lokal sa Food Not Bombs.
Kung ikukumpara sa mga chapter ng Food Not Bombs sa kanluran kung saan daan-daan na ang naaresto, mas kaunti ang pagsita at pag-arestong ginagawa ng mga awtoridad sa mga boluntaryo ng FNB dito sa kapuluan.
Wala pang naitatalang pag-aresto habang nagsasagawa ng Food Not Bombs. Maliban na lang kung ibibilang ang pag-arestong ginawa sa 11 boluntaryo ng FNB nang umakyat ang mga ito sa Sagada at paratangang mga miyembro ng rebeldeng grupong New People’s Army noong Pebrero 14, 2006. Ilan sa kanila ang inabot higit isang taon sa pagkakakulong dahil sa pag-uugnay sa kanila sapagpatay umano sa mga sundalo. Nakilala sila bilang Sagada 11. Umani sila ng suporta sa pandaigdigang ugnayan ng FNB at ng iba pang kolektiba.[29]
Kadugtong nito, isang boluntaryo naman mula sa Bulacan ang pinatay ng mga pulis nitong Hulyo 2018. Inakusahan ang boluntaryo bilang “adik” sa droga at sinubukang dakpin kahit walang search warrant o warrant of arrest. Kaugnay ito ng kampanyang War On Drugs ng pangulo na siya raw lulutas sa kahirapan at kriminalidad sa bansa sa loob ng anim na buwan (hindi kabilang dito ang pagiging adik sa kapangyarihan at pera). Di umano ay nanlaban ang patpating boluntaryo laban sa armadong mga pulis kaya “napilitan” silang patayin ito.
Ganunpaman, sa kalakhan, mabibilang ang pagbabawal sa aktibidad ng Food Not Bombs. Dalawa lang sa 12 kinapanayam na mga boluntaryo ang nagsabing naging malaking problema ang kapulisan at awtoridad sa pagsagawa ng FNB. Ngunit may pagkakataong naghihinala ang mga awtoridad dahil sa pananamit at hitsura ng mga boluntaryo. May nagsabi din na minsan ay hinanapan sila ng sanitary permit. Para daw ito masigurong ligtas ang ipinapakain sa mga tao. Kakatwa ito para sa mga boluntaryo dahil kahit kailan naman ay hindi nagpakita ng malasakit ang mga pulis sa mga palaboy na pinapakain nila. Umabot ang isang kasong ito sa pagpapalit ng pangalan ng grupong nagsasagawa ng Food Not Bombs sa Sapangpalay, Bulacan para maiwasan ang patuloy na panunuligsa ng kapulisan at iba pang authoritarian na grupo. Mula United for Peace, binago nila ang pangalan at ginawang Mutual Aid Not Charity.[30]
May mga pagkakataon namang nayayaya pa ng ibang FNB chapter ang mga pulis na makikain kasama nila gaya sa isang footage ng FNB kasabay ng programang Sining Kalikasan Aklasan sa tapat ng National Housing Authority nito lang Hulyo 2017.[31] Isa itong hindi karaniwang tagpo kung titingnan ang kasaysayan ng FNB sa ibang lugar, kung saan hindi bago ang pagkumpiska sa mga babasahin at pagkaing inihahanda ng FNB.
Marahil, dahil ito sa sistematikong paraang isiniaad ni McHenry sa kanyang libro kung paano harapin ang mga kapulisan. At marahil, dahil din sa hindi takot ang mga boluntaryo sa pagpapaliwanag ng kanilang layunin sa paraang mahinahon. Ang publikong tumatangkilik sa FNB na nakikiusap sa mga pulis na huwag nang makialam ay isa ding dahilan.
Ang ilang nagsasagawa naman ng Food Not Bombs ay tumatanggap din ng alok na tulong ng mga Baranggay Tanod. Ito ay para raw makatulong sa maayos na pamamahagi ng pagkain, gaya ng naganap sa Food Not Bombs sa Brgy. Manggahan, Pasig taong 2017. Ganunpaman, hindi nagkaroon ng pagkakataon na kinailangang protektahan ng kapulisan ang mga boluntaryo ng Food Not Bombs mula sa publiko. Nakukuntento na ang ilang nais maging kritiko sa panaka-nakang pagtaas ng kilay at pag-ismid. Kung ikukumpara ito sa kaso ng pananaksak at pagpapasabog ng ilang neo-nazis para guluhin ang aktibidad ng FNB sa Moscow, ay masasabing mapayapa pa ito.
Ganunpaman, may ilang kaso pa din kung saan sinisita ang pagsasagawa ng FNB. Ilan dito ay ang FNB na isinasagawa sa malalaking parke gaya ng Luneta.
Noong unang bahagi pa lang ng 1990’s, may grupo nang nagsasagawa ng FNB sa Manila. Madalas sa Luneta ito ginagawa. Dahil na din sa maraming pumapasyal at marami ding mga naglalagalag dito.
Ang mas sariwang komprontasyon naman ay naganap nitong nakaraang taon lang. Una, sa aktibidad na nabanggit na sa itaas, sa Solidarity Against War campaign noong Hulyo 16. Ang ikalawa, sa kaganapang pinamagatang Ang Pekeng Balita ay Karahasan. Naganap naman ito kasabay ng pag-alala sa mga karahasan ng Martial Law sa ilalim ng diktador na si Marcos. Nangyari ang pagkilos na ito noong Setyembre 21, 2017, na idineklara bilang National Day of Protest. Libu-libo ang mga lumahok sa programa ng iba’t ibang partido pero napili ng mga nag-organisa ng Food Not Bombs na humiwalay sa mga ito. Ito ay para hindi sila mapagkamalang kasapi ng mga makakaliwa at maka-administrasyong mga grupo. Para na din mas maigi silang makilala ng madla. Isa rin ito sa mga taktikang nabanggit sa itaas. “Naniniwala din ang FNB sa autonomous community-building na walang kinalaman sa party politics, authoritarian left, traditional politician, church, NGO’s or government / corporate sponsorship.”[32]
Sa malalaking parke gaya ng Luneta, may mga park administrator na nagtatalaga ng polisiya na susundin sa loob ng parke. Kabilang dito ang mga polisiya sa pagpapakain sa mga palaboy. May mga itinatalagang lugar para sa pagpapakain. At nangangailangan ding humingi ng permiso ilang araw bago magpakain, mula sa administrasyon ng parke para gawin ito.
Bilang mga boluntaryo ng Food Not Bombs na may tiyak na istratehiya, hindi humingi ng permiso ang grupo. Humanap din sa sila ng lugar na mas angkop sa aktibidad nila. Sa parte ng Japanese garden sila nagtipon. Doon na din ipininta sa itim na banner ang pamagat ng aktibidad: Ang Pekeng Balita ay Karahasan. Ito ay tumutuligsa sa pagkalat ng mga pekeng balita o fake news para lituhin ang mga mamayan sa kung ano ang nangyayari sa paligid at sa kasaysayan.
Ang pagpinta sa banner na ito ang unang sinita ng mga awtoridad. Kasunod ang pinaplanong pagpapakain sa mga tao doon. Tumugon naman ang mga boluntaryo sa pagsasabing: National Day of Protest noon kaya maaari nilang ipahayag ang kanilang mga hinaing sa anumang paraan; na mga taxpayers din ang mga boluntaryo kaya may karapatan silang gamitin ang pasilidad ng parke, at; na hindi nangangailangang humingi ng permiso sa pagbibigayan at pagbabahagi. Ang buong komprontasyon ay nakuhanan ng video ng mananaliksik. Nang matapos ang usapan, ang pagpinta sa banner, at makapagbahagi ng kaunting pagkain, lumipat ang mga boluntaryo sa ibang lugar pero hindi sa itinakdang lugar ng administrasyon ng parke.
Samantala, inilinaw ng isa sa mga boluntaryo ang pagkakaiba ng FNB sa ibang nagsasagawa ng mass-feeding sa pakikipag-usap nito sa mga tao. Kaiba sa iba, hindi charity o pagtulong sa mga mas mahirap o mas mahina ang ginagawa ng FNB. Bagkus ito ay pantay na pakikisama o solidarity, o tinatawag ding Mutual Aid[33] sa mga taong biktima ng kahirapan. Demonstrasyon ito na may magagawa ang mga tao para sa isa’t isa. Bago makikain sa Food Not Bombs, hindi kailangang magpalista o magpa-miyembro ng mga grupo, o makinig ng anumang doktrina. Lahat ng nais kumain ay pwedeng makikain at makipagkwentuhan. Dahil ang pagkain ay karapatan at hindi prebilehiyo.[34]
Ito din marahil ang dahilan kung bakit, karamihan sa mga awtoridad sa bansa ay hindi ipinagbabawal ang pagsasagawa ng FNB. Ano nga naman ang masamang idudulot ng pagpapakain? Ang Pilipinas ay isang kapuluan kung saan laganap ang pagbabahagi sa iba’t ibang anyo kahit noon pa. Makikita ito sa mga fiesta kung saan pwedeng pakainin ang mga bisita, kahit hindi ito kakilala. Makikita din ito sa ugali ng pag-aalok ng pagkain sa mga napapadaan habang may kumakain. Ang lakas ay ibinabahagi din sa tuwing nagba-bayanihan sa paglilipat ng tirahan. Iniiwasan din ang pagsasayang ng gamit. Ang damit ng panganay na naipapasa pa sa pinakabunso. Samakatuwid, hindi nakikitaan ng kontradiksiyon ang pagsagawa ng Food Not Bombs at ang kultura dito sa bansa ng pagbibigayan at pagtutulungan.
Sa bahaging ito, susubuking tukuyin ang demograpiya ng iba’t ibang boluntaryo na nagsasagawa ng Food Not Bombs.
Unang nalaman ng mananaliksik ang tungkol sa Food Not Bombs noong nasa mataas na paaralan o high school pa lang siya. Ang nagsagawa ng FNB noon sa Taguig ay isang barkadahan na itinuturing ang mga sarili nila bilang mga Punk. Simple lang ang paliwanag: walang ginagawa ang gobyerno tungkol sa kagutuman kaya tayo ang kikilos.
Malaki ang papel ng subkulturang tinatawag na Punk sa paglaganap ng Food Not Bombs sa Timog Silangang Asya. Sa mga panayam sa 12 tao mula iba’t ibang lugar, nalamang lahat ng mga nagboluntaryo at nagbobolutaryo sa FNB ay dumaan sa pagiging Punk. Sa pananaliksik naman gamit ang internet, nalaman na ganito din halos ang kaso sa ibang kalapit na bansa. Gaya na lang sa mga bansang Indonesia, Cambodia at Thailand. Karamihan sa mga boluntaryo ang may mga banda pang tumutugtog ng musikang Punk at mga baryasyon nito.
Marami nga sa mga nagboboluntaryo sa FNB ay nagmula sa sub-kulturang Punk. Ito ay kulturang impluwensya ng musikang nagmula sa Europe at Amerika noong 1970’s at 80’s. Halos lahat ng tumatangkilik dito ay nagbibihis nang marumi, ng mga damit na may patse na tinatakan ng mga pangalan ng mga bandang punk, o di kaya’y mga islogan. Pinapatayo pa ng iba ang kanilang mga buhok, na minsan ay nasa istilong mohawk. Sa ganitong pananamit ipinapakita ng mga Punk ang kanilang saloobin. May nagsabing ipinapakita lang nila ang kabulukan at kahirapang pilit itinatago ng sistema. Pinapakita din sa pananamit na hindi sila susunod sa kumpormidad ng pag-iisip na ipinipilit ng mga institusyon. Ang pagsusuot ng magagarang damit, para sa kanila, ay simbulo ng konsumerismo at walang malay na pagsunod.
Halos lahat ng mga nakapanayam ay unang narinig o nakita ang Food Not Bombs sa mga gig ng mga Punk. Kung minsan naman ay mula sa kwentuhan kasama ang ibang Punk mula sa ibang lugar. Hindi na iyon kataka-taka dahil dinadayo ng mga Punk mula sa malalayong lugar ang isa’t isa sa tuwing may tugtugan. Kung minsan nakakapunta sila sa mga gig na ito kahit walang gaanong pera dahil sa marunong silang mag-hitch o makisakay sa mga pribado man o pampublikong sasakyan. Kakatwa naman ang kaso ng FNB sa Sapangpalay dahil unang nakuha pa daw nila ang ideya ng FNB nang magpunta ang isa sa kanila sa gig sa Davao.
Mula sa mga panayam, mahihinuhang ang mga lugar na unang nagkaroon ng Food Not Bombs chapter ay ang Manila[35] at Davao[36]. Pinangaunahan ito ng Manila Food Not Bombs at Kinaiyan Unahon (Earth First) ng Davao.
Dahil din nagmula sa Punk ang karamihan sa mga boluntaryo, dinadala nila ang kanilang pahayag sa pananamit sa mga FNB. Dahilan para paghinalaan sila ng ilan sa mga tao. Iniisip kung malinis ba ang pagkain dahil hindi nakakurbata ang mga naghahain. Maliban na lang sa mga mahihirap na nakikikain. Dahil hindi magagara ang suot ng mga boluntaryo, hindi naiilang ang mga lagalag at tambay na makihalubilo at makipagkwentuhan sa kanila.
Bukod sa pangmamata ng iba at pa-ilan-ilang paninita ng awtoridad, wala nang gaanong nararanasan aberya ang mga boluntaryo ayon sa kanila. Marami sa mga kinapanayam ay nagsabing isang malaking problema nila ay hindi ang kakulangan sa sangkap na nahihingi, o ang pangingi-alam ng mga awtoridad, kundi ang kakulangan sa gamit sa pagluluto.
Sumasapat ang bilang ng mga nagboboluntaryo. Naglalaro ang bilang sa 5 hanggang 20 sa bawat grupo. Nagbabago ang bilang sa bawat aktibidad. Nakadepende sa libreng oras ng mga boluntaryo. Wala silang pilitan pagdating sa responsibilidad. Kung sino lang ang may panahon ang siyang makakatulong sa pagkakataong iyon, at alam na iyon ng mga boluntaryo. Marami na din and bilang na ito, dahil ayon sa kanila ang 2-3 tao ay sapat na para magsagawa ng Food Not Bombs.
Isa pang pinoproblema ng ilang Food Not Bombs group ang kawalan ng lugar na paglulutuan.[37] Marahil, dahil ito sa pagiging empleyado at istudyante ng maraming boluntaryo, na pawang mga nakatira kasama ang kani-kaniyang pamilya. Ang iba ay mga Visual-Artist, guro, PUV driver, tambay, at iba pa, na pawang mga nahihirapang kumuha ng malaking espasyo na pagsasagawaan ng paghahanda.
May mga suliranin mang kinakaharap sa pagsasagawa ng Food Not Bombs, tuloy lang rito ang mga boluntaryo dahil kahit sa kanila ay may magandang epekto ito. Hindi lang nabubusog ang kanilang sikmura sa pagkain, kundi pati ang kanilang isip at damdamin.
Dahil sa regular na pagsasagawa ng FNB, nagkakasama nang madalas ang mga boluntaryo. Natuto ang marami sa kanila na magluto dahil sa pagbabahagi ng paraan ng pagluluto ng iba. Bukod dito, natututo silang makihalubilo sa ibang tao. Una, sa ibang boluntaryo at syempre sa mga nakikikain sa kanila. Nagkakapalitan din ng mga babasahin sa mga tagpong ito.
Sa pagsasagawa ng FNB, natututunan din ng mga boluntaryo kung paano mag-resolba ng mga problemang naihahain sa kanila. At dahil kumikilos sila bilang grupo, natutulungan din nila ang isa’t isa sa pagresolba ng mga problema, pang-indibidwal man o organisasyunal.
Sa Food Not Bombs, nahahasa din ng mga organisador ang moral, intelektwal at sosyal na kapasidad nila. Natututo silang magsuri sa lipunang kanilang ginagalawan. Nalalaman nilang maraming paraan ng pag-aanalisa sa mga panlipunang problema. Nagiging sanayan nila ito para sa organizing, facilitation, public speaking, public engagement at pananaliksik.[38]
Sa pagnanais pa ng isa mga nakapanayam na magbahagi ng kaniyang tuwa sa pagsasagawa ng Food Not Bombs, isinaad niya sa panayam[39] ang bersyon niya ng simpleng pamamaraan ng pagsisimula ng isang Food Not Bombs Chapter. Nagdagdadag pa siya ng isang step sa 7 Steps na inilatag ni McHenry sa kanyang libro:
step 1. Maghanap ng paglulutaan. Mas malaki, mas maganda.
step 2. Mag hanap ng makakatulong pero okay lang kung mag-isa. Lagi ka namang nag iisa </3 Kaya mo yan.
step 3. manghingi ng mga sobrang pagkain sa palengke. Huwag mag-alala, siguradong may magbibigay sayo. Mabuti kang tao.
step 4. Lutuin ang mga nahinging pagkain.
step 5. Gumawa nga banner ng food not bombs. Kailangan mo ito para malaman nilang hindi ito isang foundation o anuman.
step 6. mag hanap ng lugar na mas maraming nangangailan ng pagkain tulad ng parke. Marami din ang taong makakakita nito. Baka sakaling makakuha ka ng kasama mo dito, o di kaya gagayahin ka nila.
step 7. Ihanda mo ang iyong sarili sa mga magtatanong. Kailangan mo ding ibigay kung saan ka nila maaring makontak kung sakaling gusto nilang sumama o tumulong.
step 8. Ihanda mo ang sarili sa pag-uurong (paghuhugas) haha.
Karamihan nga sa mga boluntaryo ng Food Not Bombs sa Pilipinas ay nagmula sa mga Punk. Sa pagiging Punk, namumulat sila sa mga kawalang-hustisya at di-pagkakapantay-pantay na kaaakibat ng kapitalismo at konsumerismo. Nabubukas sila sa ideya ng Anarkismo dahil sa Punk music. Naiisip nilang may iba pang direksyon ng buhay bukod sa inaalok sa kanila ng mga mainstream at tradisyunal na intitusyon. Nalalaman nila ito mula sa mga kaibigan, mga zines o babasahin, at mga dayuhang Punk at Anarkista na nakakasalamuha nila sa mga aktibidad at kasiyahan. Idagdag pa ang internet bilang bukal ng kaalaman.
Dahil sa nagiging bukas sila sa malawak na posibilidad ng buhay, madali nilang naiintindihan ang ideyang ipinaaabot ng Food Not Bombs. Direktang aksyon ang itinututro nito gaya sa Anarkismong naipapakilala sa kanila ng Punk music. Sinasabi ng Anarkismo na kahit maliliit na tao gaya nila ay may kakayahang magbunsod ng pagbabago.
Anarkismo. Isa itong ideya na nag-aasam at nagsasa-praktika ng pagkakapantay-pantay, pagtutulungan, at tunay na kapayapaan. Ang literal na salin nito mula sa griyego ay ang “kawalan ng namumuno” (hindi kawalan ng kaayusan). Sa personal na pagkakaintindi naman ng may-akda, ang Anarkismo ay nagsasabing maaari tayong maging ano man ang ninanais natin sa ating buhay, hangga’t hindi natin napipigilan ang iba na gawin ang nais nila para maging ganap ang kanilang buhay.
Ang Punk ay naging lunsaran ng marami sa mga boluntaryo patungong ideya ng Anarkismo. Unang nakikilala ng mga Punk ang Anarkismo dahil sa musika pero hindi iyon doon natatapos. At hindi rin ganoon ka-simple ang ugnayan. May mga Punk na dumadaan sa pagiging boluntaryo ng FNB bago maging Anarkista. May mga Punk naman na nahihilig sa Food Not Bombs dahil kinakikitaan nila ito ng Anarkismo. At syempre, may mga Anarkista na nagboboluntaryo sa Food Not Bombs.
Samantala, masama ang imahe ng Anarkismo para sa marami dahil sa pagpapakita ng media, gobyerno, simbahan , at maka-kaliwang grupo ng masamang mukha nito. Ang ipinapaalala nila, tuwing binabanggit ang salitang Anarkismo, ay ang pagiging bayolente nito. Naiisip din ang salitang chaos. Kapag binanggit ito, ang agad naiisip ay ang mga nagpapasabog at namamaslang na mga Anarkista noong ika-19 na siglo sa Europa. Hindi binabanggit na ang mga pinapaslang ay mga diktador na mahilig mang-tortyur ng mga tao, sa aspetong pisikal, mental o ekonomikal.
Hindi kailan man nababanggit na ang mga ito ay isa lamang sa mga taktika ng ilang Anarkista, at hindi ng lahat. Mas makikilala ang Anarkismo sa panulat at kasaysayan ng mga katulad ni Proudhoun, Kropotkin, Zapata, Goldman, Malatesta, at marami pang iba. Maaari ding basahin ang mga sulat nina David Graeber, Cindy Milstein, Benedict Anderson, Randy Nobleza, at Bas Umali para sa mas bagong pagtingin ukol dito.
Marami na din ang naisulat tungkol sa Anarkismo. Nagkaroon din ito ng maraming uri na tumuon sa iba’t ibang mga isyu.
Sa Pilipinas naman, una raw dinala ni Isabelo Delos Reyes ang mga libro tungkol dito. Isa siyang antropologo o folklorista sa panahon ng mga ilustrado. Sinasabi ng iba na Anarkista din si Delos Reyes dahil sa pagdadala niya ng mga librong ito, at dahil sa pagkakakulong niya kasama ng maraming Anarkista sa Montjuich sa Espanya.
May nagsasabi din na maituturing na Anarkismo ang umiiral sa mga sinaunang pamayanan sa kapuluang ito. Pati na din ang mga naunang mga insureksyon sa panahon ng Espanyol, bago pa sumiklab ang Rebolusyong 1896.
Makikitaan ng ugnayan ang Anarkismo at ang mga tuntunin ng Food Not Bombs. Kahit si McHenry at ang kanyang mga kasama ay nagbasa at gumamit ng kaisipang ito para mabuo ang Food Not Bombs. Ilan sa mga ugnayang ito ang mababanggit sa susunod na mga talata.
Una, ang ideya ng Direktang Aksyon at Do-It-Yourself (DIY) na laganap sa Anarkismo ay makikita sa mga isinasagawang Food Not Bombs. Inilalarawan ng dalawang ideyang ito na kung may nais tayong pagbabago ay maaari natin itong simulan sa ating komunidad. Nais labanan ng FNB ang kagutuman at kamangmangan kaya direkta ang sarili nilang aksyon. Naniniwala silang hindi nangangailangan ng pahintulot para magbahaginan.
Parehong isinasapraktika ng mga Anarkista at FNB ang mga ideya ng pagkakapantay-pantay, sa kawalan ng leader sa mga kolektiba. Ang ideya din ng pandaigdigang kapatiran ng Anarkismo, nang hindi tumitingin sa uri, ay makikita din sa pagpapakaing ginagawa ng FNB sa publiko. Ang ideya ng autonomy ay makikita sa bawat grupong nabubuo at umiinog nang hiwalay sa ibang grupo. Ang pagiging transparent sa paraan ng pagpaplano ng dalawa ay mapapansin din.
Ang pagtuligsa sa eksploytasyon na sanhi ng pag-aari (property) na makikita sa sulatin ni Proudhoun ay nasa prinsipyo din ng FNB sa pagsuri sa lipunan. Usapin ito ng pagkain bilang nagiging pag-aari ng iilang tao. Mababanaag din pati ang konsepto ng kapwa-tulungan o Mutual Aid na ipinaliwanag naman ni Kropotkin. Pati ang ideya ni Malatesta ng mga Anakistang Organisado (ibig sabihin may kaayusan, ngunit hindi kailangang nabibilang sa organisasyon) ay mao-obserbahan din sa organisasyunal na sistema ng Food Not Bombs.
Sa pagkalat naman ng FNB (at Anarkismo) sa iba’t ibang lugar, maituturo ang ideya ng desentralisasyon bilang dahilan. Pareho itong hindi nangangailangan ng ideya ng membership o kasapian. Parehong hindi nangangailangan ng permiso ninuman para isagawa.
Ito ay pawang mga paraan ng pamumuhay na. Hindi ito basta mga ideya lang na maaaring pag-usapan sa debate o sa papel. Pareho itong nahahasa dahil sa pakiki-ugnay at pakikinig sa iba. Mahalaga sa dalawang ito ang dinaanang proseso ng mga kasabwat, ang pagpapahalaga sa desisyon ng bawat kasabwat, kumpara sa bigat at lawak ng resulta.
Ganunpaman, masyadong simple kung sasabihing: sa Punk nakikita ng mga boluntaryo ang problema ng lipunan, sa Anarkismo ang tunguhin o solusyon, at sa Food Not Bombs ang daan tungo dito. Nakikita lang ng mga boluntaryong ito na nagmula sa kulturang Punk ang pagkaka-ugnay ng Anarkismo at Food Not Bombs. Katunayan, lahat ng nakapanayam ay may nalalaman pagdating sa Anarkismo. Makikita pa ang simbulo ng Anarkismo (Ang letrang ‘A’ na binilugan) sa mga banner ng mga Food Not Bombs sa lokal.
Bagama’t hindi lahat ng mga nagbo-boluntaryo sa Food Not Bombs ay maituturing at nagde-deklara na Anarkista (lalo sa ibang bansa), hindi maitatanggi ang kaugnayan ng dalawang ideyang ito. Kung kaso lang ng Pilipinas ang pagtutuunan, masasabing direkta ang ugnayan ng dalawa. Nakikita ng mga boluntaryo ang ideya ng Anarkismo sa proseso at organisasyon ng Food Not Bombs. At nakikita din sa mga prinsipyo ng Anarkismo ang kahalagahan ng Food Not Bombs.
Kakatwang isipin na kahit walang malinaw na plano ay kumalat ang Food Not Bombs sa kapuluang ito. Tila isang uri ito ng halamang kusang kumalat sa maraming lugar. Hindi iniintindi kung ano ang itatawag sa sarili. Walang pangamba kung may kumilala man o wala sa kanyang pag-inog. Hindi mapigilan ang pag-usbong kahit makapal ang usok na humaharang sa araw. Lalago kahit walang pahintulot. Nabubuhay sa pagitan ng mga bitak ng semento na ibinuhos ng lungsod sa lupang pinagmumulan ng buhay. Hanggang humitik sa mga bungang ihahandog sa lahat, nang walang kapalit kundi ang pangakong ibalik sa lupa ang panibagong mga binhi.
Bilang pagtatapos, nais sipiin ng mananaliksik ang pahayag na makikita sa sagot ng karamihan sa nakapanayam. Isa itong pahayag na naglalaro at kakikitaan ng ideya ng Anarkismo at naisasabuhay sa pagsasagawa Food Not Bombs: DAHIL ANG PAGKAIN AY KARAPATAN, AT HINDI PRIBELEHIYO NG IILAN!
Bello, Walden. The Food Wars. London: Verso. 2009
Bhaktivedanta Swami Prabhupad. The Higher Taste. Hongkong: Bhativedanta Book Trust. 1983
Bularon, Selo (ed. dir.) Mga Pinagtagpi-tagping Kaganapan sa Sining Kalikasan Aklasan, Quezon City: Pulang Balilintataw Films. 2015
Butler, C.T. Lawrence and McHenry, Keith. Food Not Bombs. Saline, Michigan: See Sharp Press. 2000
Butler, Chris. Who are you? Makati, Philippines: Science of Identity Foundation, 1986
Guila, Jassim. SKA 2017 (Sining Kalikasan Aklasan Kontra SONA). Pasig City: Pelikulaya Productions. 2017
Kropotkin, Pyotor. Mutual Aid: A Factor of Evolution, New York: New York University
Press. 1972. P23
McHenry, Keith. Hungry For Peace. Tucson, USA: See Sharp Press. 2012
Schumacher, E.F. Small is Beautiful. New York: Harper and Row. 1973
Cepada, Maan. 2017 Budget Priorities: Infrastructure, Agriculture, Peace and Order . October 25, 2017 https://www.rappler.com/nation/143116-2017-proposed-budget-priorities
Rodriguez, Fritzie. PH Food Wastage. Think Twice Before Wasting Your Meal . October 25, 2017 http://www.brianwillson.com/the-significance-of-nuremberg-actions-concord-naval-weapons-station-concord-california/. October 14, 2017
http://www.foodnotbombs.net/locations. October 25, 2017
https://www.rappler.com/move-ph/issues/hunger/53419-food-wastage-ph. October 14, 2017
http://www.socialsolutions.com/blog/2016-homelessness-statistics/. October 15, 2017
https://tradingeconomics.com/united-states/unemployment-rate. October 25, 2017
ABRIGO, FRANCES
ALMORES, DRAKE ANGELO
BAUTISTA, CARLO
BRIGITTE BARDOTS*
DE VERA, CHRIS
FRANCO, JESTONI
HOSSAIN, ANOWARA AKTER
MALLARI, JAY
NOBLEZA, RANDY
PONG*
QUIMSON, ASHER ISRAEL
UMALI, GEORGE
* Alias
Ilan pang mga Larawan
[1] McHenry, Keith. Hungry For Peace. Tucson, USA: See Sharp Press. 2012. p.149
[2] Ibid. “It will be a great day when our schools get all the money they need and the air force has to hold a bake sale to buy a bomber.” p.98
[3] Butler, C.T. Lawrence and McHenry, Keith. Food Not Bombs. Saline, Michigan: See Sharp Press, 2000. p.31
[4] Ibid. “it’s just that they are making a political statement and that isn’t allowed.” p.101
[5] Ibid. p.21
[6] Mula sa blog ni Bryan Willson. http://www.brianwillson.com/the-significance-of-nuremberg-actions-concord-naval-weapons-station-concord-california/ October 14, 2017
[7] www.foodnotbombs.net. http://foodnotbombs.net/new_site/contacts.php . October 25, 2017
[8] Bello, Walden. The Food Wars. London: Verso. 2009 p.61
[9] Sa Mono-cropping, isang uri lang ng pananim ang itinatanim sa isang malawak ng lugar. Kadalasan ay para merkado ang mga itinatanim at hindi para sa konsumo ng mga tao sa lugar.
[10] Schumacher, E.F. Small is Beautiful. New York: Harper and Row. 1973. p.11-12
[11] Litratong kuha ng may-akda
[12] Butler, Chris . Who are you? Makati, Philippines: Science of Identity Foundation. 1986 p.45
[13] Bhaktivedanta Swami Prabhupad. The Higher Taste. Hongkong: Bhativedanta Book Trust. 1983 p.17
[14] Rodriguez, Fritzie. PH Food Wastage. Think Twice Before Wasting Your Meal. https://www.rappler.com/move-ph/issues/hunger/53419-food-wastage-ph. October 24, 2017
[15] Cepada, Maan. 2017 Budget Priorities: Infrastructure, Agriculture, Peace and Order. https://www.rappler.com/nation/143116-2017-proposed-budget-priorities. October 24, 2017
[16] Butler, C.T. Lawrence and McHenry, Keith. Food Not Bombs. Saline, Michigan: See Sharp Press, 2000.
[17] Ana ng Bentarakata. Personal na Pakikipag-usap. Kota Kinabalu. December 10, 2017
[18] www.foodnotbombs.net. 2017. http://foodnotbombs.net/new_site/contacts.php . October 25, 2017
[19] Ayon sa personal na pananaliksik ni De Vera, Chris. Online na Interbyu sa pamamagitan ng Facebook. Pasig City. October 15, 2017
[20] www.socialsolutions.com. http://www.socialsolutions.com/blog/2016-homelessness-statistics/ . October 25, 2017
[21] https://tradingeconomics.com/united-states/unemployment-rate . October 25, 2017
[22] McHenry, Keith. Hungry For Peace. Tucson, USA: See Sharp Press. 2012. p.13
[23] Zulueta, Juey. Personal na Pakikipag-usap. Etniko Bandido Infoshop. Pasig City. May 2016
[24] De Vera, Chris. Online na Interbyu sa pamamagitan ng Facebook. October 15, 2017
[25] Flores, Fernan at Ulep, Julius ng Mutual Aid Not Charity, Personal na Pakikipag-usap, Sapangpalay Bulacan, December 15, 2014
[26] Kropotkin, Pyotor. Mutual Aid: A Factor of Evolution, New York,
New York University
Press. 1972. p.23
[27] “Ang Really Really Free Market ay aktibidad kung saan namamahagi ng iba’t ibang klaseng gamit na hiningi din mula sa maraming tao. Dito maaaring kumuha at magbigay nang libre Ganunpaman hindi kailangang magbigay bago kumuha... Sinisiguro lang na ang mga kukunin mapapaakinabangan talaga ng mga kukuha.” De Mesa , Fread, Mga Pinagtagpi-tagping Kaganapan sa Sining Kalikasan Aklasan. Pulang Balintataw Productions. August, 2015
[28] Ang Radyo-Kalye ay ang pagsasagawa ng programang pang-radyo sa kalye na pwedeng lahukan ng mga sinong dumadaan. Nagkakaroon dito ng mga panayam tungkol sa mga isyung kinahaharap ng komunidad at indibidwal at mga pagtatanghal mula sa mga lokal.
[29] McHenry, Keith. Hungry For Peace. Tucson, USA: See Sharp Press. 2012. p.155
[30] Quimson, Asher. Online na Interbyu sa pamamagitan ng Facebook. October 15, 2017
[31] Guila, Jassim. SKA 2017 (Sining Kalikasan Aklasan Kontra SONA). Pasig City: Pelikulaya Productions. August, 2017
[32] De Vera, Chris. Online na Interbyu sa pamamagitan ng Facebook. October 15, 2017
[33] Mutual Aid sa depinisyon ni Kropotkin bilang kapwa-tulungan ng mga hayop na may parehong specie para mapanatili ang mga susunod na salinlahi. Kropotkin, Pyotor. Mutual Aid: A Factor of Evolution. New York. New York University Press. 1972. p.11
[34] De Mesa, Fread. Personal na Pakikipag-usap. Luneta, Manila. July 16, 2017
[35] Dr. Nobleza, Randy. Online na Interbyu sa pamamagitan ng Facebook. October 20, 2017
[36] Quimson, Asher. Online na Interbyu sa pamamagitan ng Facebook. October 15, 2017
[37] Hossain, Anowara Akter. Online na Interbyu sa pamamagitan ng Facebook. October 15, 2017
[38] De Vera, Chris. Online na Interbyu sa pamamagitan ng Facebook. October 15, 2017
[39] Bautista, Carlo. Online na Interbyu sa pamamagitan ng Facebook. October 20, 2017
{1} Larawan ula sa FNB Sapangpalay, Bulacan
{2} McHenry, Keith. Hungry For Peace. Tucson, USA: See Sharp Press. 2012. p.13
{3} Mula kay Chris De Vera ng Etniko Bandido
{4} Larawan mula kay Frances Abrigo ng FNB-Lucena
{5} Larawan mula kay Julius Bruce Ulep ng Mutual Aid Not Charity- Bulacan
{6} Larawan mula sa Onsite Infoshop