#cover t-a-taks-a-barbin-ang-food-not-bombs-sa-kapuluan-t-26.png
#title Ang Food Not Bombs sa Kapuluan
#author Taks A. Barbin
#LISTtitle Food Not Bombs sa Kapuluan
#date July 14, 2017
#source Safehouse Infoshop
#lang tl
#pubdate 2026-06-22T03:30:14
#authors Taks A. Barbin
#topics Safehouse Infoshop, Food Not Bombs
** I. Introduksyon sa Food Not Bombs
Ang Food Not Bombs ay ang pagkolekta at pamamahagi ng pagkain nang
walang kapalit. Tugon ito sa malawakang suliranin sa kagutuman na
nararanasan sa buong mundo. Kinukundena nito ang labis na pagtuon ng mga
pamahalaan sa digmaan para sa kita, imbes na pagtuon sa mga batayang
pangangailangan ng mga mamamayan. Una sa mga pangagailangang ito ang
sapat at masustansyang pagkain.
*** A. Kasaysayan ng Food Not Bombs
Ang Food Not Bombs ay umusbong sa U.S. noong 1980’s. Sinimulan ito ng
walong indibidwal na sina Jo Swanson, Mira Brown, Susan Eaton, Brian
Feigenbaum, C.T. Lawrence Butler, Jessie Constable, Amy Rothstein at
Keith McHenry.[1]
Unang nakilala ang Food Not Bombs sa New Hampshire. Nagsimula ito nang
magkaroon ng mga protesta laban sa pagpapatayo ng Seabrook Nuclear
Station sa lugar. Nagsagawa ng mga pagharang ang ilang mga lokal at
mag-aaral ng mga unibersidad. Hinarang ang mga sasakyang gagamitin sa
konstruksyon ng nasabing planta na pininansyahan ng National Bank of
Boston.
Nalaman ng grupo na kumikilos na ang mga taong nakaupo sa Board of
Utility na nag-apruba ng pagtatayo ng planta at ang mga taong nakaupo sa
kompanyang kinontra para itayo ito, maging ang mga nakaupo sa Board ng
nasabing banko, ay mga magkakakilala kung di man parehong mga tao. Mula
dito, nailinaw ng mga kumikilos ang ugnayan ng digmaan at ng
pangangapital.
Lumipas ang mga buwan at naging mainit lalo ang isyu. Sinubukan ng mga
nagpo-protesta na pasukin ang *site* ng planta. Gumamit ng *teargas* at
pamalo ang kapulisan para pigilan ito. Sa sumunod na araw, inaresto si
Brian Feigenbaum, mag-aaral ng Law sa Boston University, sa kasong
pananalakay umano sa isang pulis.
Umani ng suporta si Feigenbaum sa kanyang pagka-aresto. Naging matunog
ang pangalan niya sa kanilang lokalidad. Nag-isip naman ang ilang
kaibigan kung paano makapagbibigay ng pinansyal na suporta kay
Feigenbaum. Naisip nilang gumawa at magtinda ng mga tinapay para
makalikom ng salapi. Hindi man ito nakabuo ng malaking halaga, may nabuo
silang istratehiya sa kanilang mga protesta. Nakapaglabas sila ng
pahayag na nagsabing “Magiging dakila ang araw kung kailan makukuha ng
mga paaralan natin ang salaping kailangan nito, at kakailanganin ng Air
Force na magbenta ng tinapay para makabili ng Bomber.”[2] Nagpakalat
sila ng mga polyeto at nag-*spraypaint* sa mga establisimyento. Isa sa
mga pahayag ay tulad nito: “More money for food, not bombs.”[3]
Kinabukasan, naisip ng grupo na gamitin ang pahayag na ito bilang
pangalan ng kanilang kolektiba. Papaikliin lamang at gagawing: Food Not
Bombs. Hindi na kailangan na maging maligoy pa. Masasabi na agad ng
pangalan ang pakay at mensahe nila.
Simula noon naging malinaw ang adbokasiyang ipinaglalaban ng Food Not
Bombs: ang pagbibigay ng halaga sa problema sa kagutuman, kaysa sa
pagpipinansya sa digmaan para makuha ang tubo nito. Mas nailinaw pa ito
nang namahagi na sila ng mga babasahin tungkol sa iba-ibang mga paksa na
kaugnay ng Food Not Bombs, at kung minsan sa pamamagitan ng mga
mala-teatrikong pagtatanghal.
Lalong naging matunog ang Food Not Bombs nang sumama na ito at naghanda
ng pagkain para sa mga sunod pang protesta. Lalo pa noong magsimula ang
mga pag-aaresto sa kanila dahil sa pagbabahagi nila ng pagkain. Isa sa
mga mahalagang tagpo ay nang arestuhin ang siyam na tao dahil sa
pamamahagi ng pagkain sa Haight Ashbury Park noong August 1988. May 45
na Riot Police ang lumitaw mula sa kakahuyan at inaresto ang siyam sa
namamahagi ng pagkain.
Nagbunsod pa ito ng mas maraming pag-aresto nang magkaroon ng mga
protesta bilang pagtuligsa sa naunang mga pag-aresto. Nabalita ito sa
CNN, New York Times at London Times. Paglipas ng ilang araw, nagbigay ng
pahayag ang mga pulis at sinabing pwede lamang gawin ang pamamahagi ng
pagkain “sa gitna ng karagatan”. Ayon sa kanila, hindi ito maaaring
gawin sa mga pampublikong lugar. Dagdag pa ng kapulisan, “Nagsasagawa
lang kasi sila ng politikal na pamamahayag at hindi iyon
pinapayagan.”[4]
Pagkalipas ng Mayo 1 ng taong iyon, araw ng paggawa, inisyuhan ng
permiso ni Mayor Art Agnos ang grupo pagkatapos nilang makipag-usap para
matigil na ang mga pag-aresto. Dahil dito, mas umani ng pagkilala ang
Food Not Bombs maging sa ibang bayan. Sinabi ni McHenry,
“...When we were first arrested, people noticed that sharing food to the
hungry is America’s version of India’s Salt Marches... Arresting
volunteers for sharing vegetarian meals was a graphic example of
misguided policies of corporate and political leaders in the United
States.”[5]
Noong una kaming maaresto, napagtanto ng mga tao na ang pagbabahagi ng
pagkain sa mga nagugutom ay ang bersyon ng America ng Salt Marches ng
India... Ang pag-aresto sa mga boluntaryo dahil sa pagbabahgi ng
pang-vegetarian na pagkain ay malinaw na halimbawa ng baluktot na
polisiya ng mga korporasyon at politiko ng Estados Unidos. (Salin ng
Mananaliksik)
Umusbong ang ikalawang chapter ng Food Not Bombs sa San Francisco noong
1988. Binuo ito matapos ang isang insidente. Pinipigilan noon ng
*Nuremberg Action*[6] ang pagtawid ng mga armas mula Concord Naval
Station sakay ng tren. Humihiga ang mga aktibista sa riles ng tren para
pigilan ang mga ito na makarating sa Central America. Isang araw, hindi
tumigil ang tren at naputulan ng binti si Brian Wilson, isang aktibista
ng *Veterans For Peace*. Bilang pakikisama, itinayo ni McHenry ang
ikalawang chapter ng Food Not Bombs. Unang naging aksyon nito ang
paghahanda ng pagkain sa mga nagpro-protesta laban sa Nevada Test Site.
Habang isinasagawa ito, nakarating kay McHenry na may grupo sa Long
Beach, California na nangongolekta ng pagkain para ibahagi sa parke sa
kanilang lokal. Narinig daw nila ang tungkol sa Food Not Bombs at inisip
na hiramin ang ideya ng pangalan. “Bread Not Bombs” ang naisip nila.
Pero iminungkahi ni McHenry na gamitin na lang ang “Food Not Bombs”. At
noon nabuo ang ikatlong *chapter* ng Food Not Bombs.
Paglipas lang ng tatlong dekada, nagkaroon ng mga lokal ang FNB sa
mahigit 1000 lugar sa buong mundo, matapos kumalat sa Estados Unidos.
Kabanggit-banggit ang mga bersyon sa mga bansa gaya ng Mexico,
Argentina, Nigeria, Kenya, Romania, Australia, Germany, Iceland,
England, Sweden, Finland, Spain, Poland, Israel at Russia. Marami sa mga
bansang ito ay itinuturing na maunlad, ngunit napatunayan at
nai-dokumento sa mga aktibidad ng Food Not Bombs na marami pa din ang
nagugutom at walang permanenteng tirahan sa mga lugar na ito.
Ilan sa mga bansang napaglunsaran naman ng Food Not Bombs sa Asya ay
Indonesia, Cambodia, Thailand, Myanmar, Philippines, Malaysia, China,
Singapore, Israel, Japan, Turkey, Georgia at South Korea.[7]
Sa konteksto ng Asya-Pasipiko, masasabing naging kahali-halina din ang
ideya ng Food Not Bombs bilang istratehiya ng protesta. Karamihan sa mga
bansa sa rehiyong ito ay itinuturing na bansang papaunlad pa lang, o sa
salita ng iba, ikatlong mundo o *third world*. Sa mga ganitong bansa,
naging prayoridad ang pag-export ng pagkain imbes na ang pagseguro ng
sariling kaban.
Lumalabas na Asya-Pasipiko ang may pinakamataas na tala ng pagdagdag sa
bilang ng mga nagugutom. Umabot ito ng 41 million ayon sa tala ng Food
and Agriculture Organization noong 2009.
Sa bansa gaya ng China naging prayoridad ang pagpapatubo ng pagkain para
sa *livestock* na binibili ng mga may-kaya. Nagbunsod ang mga ganitong
gawi, ang kakulangan sa binhi para sa tao, sa pagtaas ng presyo nito. At
dahil sa pagtaas ng presyo ng pagkain sa mga bansang may mataas na
bilang ng maituturing na mahihirap, tumaas lalo ang bilang ng mga
nagugutom.
Kabanggit-banggit din ang kaso ng Pilipinas na mula sa pagiging exporter
ay naging pinakamalaking importer ngayon ng bigas sa buong mundo. Sa
kaso naman nito, naging malaking hadlang sa pagseguro sa pagkain ang mga
bumabang taripa sa mga inaangkat na produkto na bunsod ng mga
“Free-Trade Agreements”. Mababa ang presyo ng mga imported kaysa mga
lokal na produkto. Hindi ito natatapatan ng mga lokal na magsasaka kaya
mas tinatangkilik ng mga mamimili ang inaangkat na produkto. Mahigit 1
milyong magsasaka ang nawalan ng trabaho noong 2001. Lumiit din ang
budget para sa agrikultura at pamamahagi ng lupa dahil sa pagbabayad ng
utang-panlabas. Dahilan din ang pagtuon ng gobyerno sa dayuhang puhunan
sa bansa. Naging palakaran ng gobyerno na himukin ang mga dayuhan na
upahan ang mga lupain sa Pilipinas para kumita sa industriya ng pagkain
at pagkuha ng likas na yaman. [8]
Idagdag natin sa mga dahilan ng kagutuman ang malawakang
*mono-cropping*[9] para sa mga pagkaing komersyal, at pang-export. Isama
na din ang paglakas ng *extractive* *industry* ng mga bansa, o yung
pagkuha ng enerhiya sa lupa na nagbubunsod sa pagkasira ng mga dating
pinagkukunan ng pagkain gaya ng mga bundok at dagat. Halimbawa ang kaso
ng mga *leak* o tagas mula sa mga minahan, katulad na lang sa Boac,
Marinduque kung saan hindi lang isang beses nagkaroon ng tagas. Ngayon,
ang ilog Boac ay hindi na pinangingisdaan dahil sa pangambang
kontaminado ang mga isda rito na kapansin-pansin ang paninibago sa kulay
at hitsura. Maging ang mismong ilog ay nagbago din ng kulay. Ang
karanasan naman ng Kulon Progo Food Not Bombs sa Indonesia ay halimbawa
ng laban ng mga pesante sa mga nangangamkam ng lupa para magtayo ng
minahan. Isa iyong laban para sa seguridad sa pagkain na dekada na ang
itinagal.
*** B. Mga Adbokasiya at Ipinaglalaban ng Food Not Bombs
Bukod sa pagiging malinaw ng kampanya ng Food Not Bombs laban sa
pamumuhunan sa giyera at mga armas, malinaw na tinutuligsa din nito ang
konsumeristang pamumuhay. Binanggit ni E.F. Schumacher sa librong Small
is Beautiful ang pahayag ni Mahatma Gandhi nang sabihin nitong sapat ang
likas na yaman ng mundo para sa pangangailangan ng lahat, pero hindi
sapat para sa kasakiman ng iilan. Sinabi rin niyang hindi dapat tanungin
ang mga ekonomista kung ano ang “sapat”. Para sa kanila, ayon kay
Schumacher, ang pinakamataas na uri ng kabutihan ay ang ekonomikong
paglago, na walang malinaw na konsepto ng “sapat”, kundi ang “sapat” na
magpapanatili ng inseguridad ng mga manggagawa para magpatuloy silang
magtrabaho para sa kita ng namumuhunan.[10]
Binanggit ni Chris Butler na nagtatapon ng mga mansanas ang mga
namumuhunan sa Amerika para pataasin ang presyo nito.[11][12] Ayon ito
sa doktrina ng *Law of Supply and Demand* ni Adam Smith. Ito ay habang
marami ang nagugutom sa ibang panig ng mundo.
[[t-a-taks-a-barbin-ang-food-not-bombs-sa-kapuluan-t-1.jpg f][Figure 1. Maliit na bahaging pagkaing hindi nakain sa isang hotel sa Makati
]]
Ang paghihikayat sa mga tao na kumunsumo ng maraming produktong karne ay
kakikitaan din ng pagmamalabis. Imbes na magtanim ng natural na uri ng
mga halaman para sa pagkain ng tao, nagtatayo ng malalaking GMO
(Genetically Modified Organism) farms para ipakain ang mga naaani nito
sa mga kakataying hayop. Sinasabing sobra pa sa pangangailangan ng lahat
ng tao ang mga tanim na ito pero pinipiling ipakain ito sa mga hayop na
bibilhin sa mas mataas na presyo. May mga kompanya pa na
pang-agrikultura, gaya ng Monsanto na nagpaparehistro ng patent ng mga
buto kaya naman nagkakaroon sila ng dahilan para kasuhan ang maliliit na
magsasaka na nagtatanim ng mga butong na-kontamina ng butong “inimbento”
nila.
Napatunayan ding maaksya sa yamang tubig ang mga ganitong mga
factory-farms. Habang naghuhukay sa ilalim ng lupa, at nag-iipon ng
hamog ang mga tao sa disyerto para may mainom, ipinanlilinins at
ipinandidilig naman sa halamang kakainin ng mga hayop ang libu-libong
litro ng tubig. Ayon sa librong The Higher Taste, para makapagproseso ng
isang kilo ng baka, gumagamit ng 50,000 litro ng tubig para sa mga
pananim na ipapakain, at ipanglilinis sa mga hayop. Tinatayang 16,400 ng
litro naman para sa isang kilo ng baboy at 8,200 liters para sa kilo ng
manok. [13]
Hindi din maikakaila ang dami ng krudo na ginagamit, di lang sa
pagproseso ng pagkain, kundi pati sa paghahatid nito sa mga palengke at
hapag. Sa U.S., tinatayang, bumabyahe ng higit 1500 milya ang pagkain
bago makarating sa palengke.
Sa kabila ng industriyal at sistematikong pag-unlad sa proseso ng
paglikha at pagbyahe ng pagkain sa buong mundo, isa sa tatlong bahagi ng
pangkalahatang pagkain ang nasasayang. Sa mga “bansang umuunlad” gaya ng
Pilipinas, 40% ang nasasayang na pagkain bago pa makarating sa hapag. Sa
kaso ng Pilipinas, ang pinakasanhi nito ay kakulangan ng budget sa
modernong teknolohiya at kaalaman, sa imprastraktura gaya ng irigasyon
at maayos na daan papunta sa mga palengke, sa kakulangan ng panungkulan
sa lupa, at kakulangan ng suporta sa pananaliksik at mga inobasyon.[14]
Tatlo sa sampung bata sa Pilipinas ang naituturing na *malnourished* o
kulang sa sustansya. Sa kabila nito, nanatiling mas mataas ang inilaang
budget para sa “Public Order and Safety” na kinabibilangan ng hukbong
militar at kapulisan kaysa agrikultura. Noong 2016, P200 bilyon ang
inilaan para dito kumpara sa P120 bilyon na inilaan para sa agrikultura.
Malaking porsyento nito o P140 bilyon ang para sa Military.[15]
Dahil sa kalagayang ito ng sitwasyon sa pagkain, hindi kataka-taka na
lumaganap ang mga pagkilos ukol dito. Isa na nga dito ang Food Not
Bombs. Kung babalikan ang mga nabanggit sa itaas, may dahilan ang Food
Not Bombs para maglunsad sa Pilipinas. Ganunpaman, hindi maikakaila na
dahilan din ang kakaibang mga taktikang ginagamit ng Food Not Bombs sa
paglaganap nito. May taktika ito ng pagka-malaya o desentralisado.
Angkop ito para sa isang bansang pulu-pulo, at isang *network* na walang
malinaw na komunikasyon.
[[t-a-taks-a-barbin-ang-food-not-bombs-sa-kapuluan-t-2.jpg f][Figure 2. Mga batang
naghihintay sa pagkaing ihahain ng FNB]]
*** C. Mga Taktika ng Food Not Bombs sa Pamamahagi ng Pagkain at Ideya
Maiging banggitin ang mga taktikang ginagamit ng Food Not Bombs[16] para
mas maintindihan ang adbokasiya nito. Sa pag-isa-isa nito, magiging mas
malinaw ang larawan ng Food Not Bombs.
1. Laging mainit na pagkain ang inihahain sa Food Not Bombs. Bukod sa
paniniguro na ligtas itong kainin, sumisimbulo din ang pagiging
mainit ng pagkain sa mainit na damdaming ibinabahagi.
2. Sinisiguro na Food Not Bombs na masustansya, walang artipisyal na
pampalasa, at pang-vegetarian ang inihahain na pagkain. Ang mga
volunteer mismo ang nagluluto para masiguro ito. Bukod sa mura,
masustansya din ang mga gulay. Hindi din ito kasingbilis mapanis ng
karne.
3. Kalakhan ng pagkaing inihahanda ay kinikolekta sa mga palengke at
establisyimento. Ganunpaman, sinisigurong malinis at maaayos pa ang
mga sangkap na ginagamit. Sa paraang ito, nababawasan ang itinatapon
at nasasayang pagkain sa mga lungsod. Naililinaw din ang adbokasiya
sa mga hinihingian ng pagkain para makasama sila sa napapaliwanagan
tungkol sa adbokasiya ng Food Not Bombs. Sa pagbanggit ng taktikang
ito sa mga kumakain, nalalaman nila na maaari palang mahingi ang
pagkain kahit sa mga establisyimento.
4. Pinipili ng Food Not Bombs ang mga mataong lugar bilang dausan ng
kanilang pagbabahagi ng pagkain. Ito ay para mabahaginan ang mas
maraming tao at makatawag ng mas maraming atensyon para sa kanilang
mensahe. Halimbawa na lang nito sa Pilipinas ay sa mga parke,
simbahan, kalye, *informal settlers area*, at umaabot pa sa
pamayanan ng mga katutubo gaya sa Quezon. Sa US, tinatawag nilang
“office” ang mga lugar na napipili nilang pagbahaginan.
5. Ine-engganyo ang mga Food Not Bombs Chapter na maging regular sa
kanilang aktibidad para maging mas epektibo sa pagpapalagananp ng
kanilang mensahe.
6. Hindi isang membership group ang Food Not Bombs. Ibig sabihin, hindi
kailangang magpalista para makatulong sa mga nagsasagawa nito. At
hindi din kailangang magpaalam sa sinuman para isagawa ito.
7. Sumasabay sa mga piling kilos-protesta ang Food Not Bombs para
makasalamuha ang mga taong may kaparehong adbokasiya. Ganunpaman,
madalas ding Food Not Bombs ang nagpapasimula ng aktibidad.
Dinadagdagan na lamang ito ng mga pagtatanghal ng musika, tula ,
dula , at pamamahagi ng mga babasahin ukol sa epekto ng kapitalismo
sa tao at kalikasan.
8. Hindi tumatanggap ng donasyon ang Food Not Bombs mula sa mga
kompanya o establisyimentong sumusuporta sa digmaan at pagsira sa
kalikasan. Hindi sila pumapayag sa mga kompromiso gaya ng pagpapalit
ng pangalan o pagiging “di-gaanong politikal” para makatanggap ng
donasyon. Halimbawa sa nakaraan, may ilang mga tangka ang mga
korporasyon at negosyo na magbigay ng donasyon sa kondisyong
babaguhin ng Food Not Bombs ang pangalan nito.
9. Hindi humihingi ng permiso o *permit* ang Food Not Bombs sa kanilang
pagbabahagi ng pagkain. Bukod sa kumukontra ito sa pahayag ng Food
Not Bombs na ang pagkain ay para sa lahat, naiiwasan din ang
paglilimita sa galaw ng mga grupong FNB dahil sa pagsasantabi ng
proseso ng pagkuha ng permit.
10. Mahigpit ang Food Not Bombs sa paniniwalang hindi dapat maging
bayolente sa programang ito. Kahit pa gamitan sila ng awtoridad ng
dahas sa pagpapaalis, pag-kontrol, o pag-aresto sa kanila. Ang
digmaan ay malawakang karahasan kaya nila ito tinutuligsa.
11. Sinisigurado ng Food Not Bombs na nagpa-plano sila sa paraang
*transparent*. Sa paraang ito, naiintindihan ng bawat kasapi ang
nagaganap at ang proseso sa pagsasagawa nito. Dahil dito madaling
mapalaganap ang Food Not Bombs. Napapanatili din ang tiwala sa
bawat miyembro dahil dito.
12. Sinisigurado ng Food Not Bombs na nagpa-plano sila sa paraang
konsenswal. Sa paraang konsenswal naman, lumalabas ang
pinaka-akmang ideya ayon sa kagustuhan ng bawat miyembro. Ito ay
hindi kumpetisyon ng mga idea kundi isang paraan para maabot ang
pinakamahusay na desisyong inambagan ng lahat. Sa paraan ding ito
kung saan walang pinuno, naiiwasan ang korupsyon ng iisa sa lahat.
Naiiwasan ang pagkamatay ng Food Not Bombs, maaresto o humimpil man
ang isa sa mga miyembro. Naiiwasan din ang pagsasabotahe sa
pamamagitan ng paglalagay ng ahente ng kalaban sa pamunuan ng
organisasyon.
[[t-a-taks-a-barbin-ang-food-not-bombs-sa-kapuluan-t-3.jpg f][Figure 3. Pangongolekta ng mga sangkap mula sa palengke{1}]]
Sa obserbasyon sa mga bersyon ng Food
Not Bombs sa kapuluan, karamihan kung di man lahat ng taktikang ito ay
isinasagawa. Halimbawa, may pagkakataong bumibili ang mga organisador ng
mga sangkap imbes na humingi. May mga chapter ng Food Not Bombs dito na
nananatili sa isang lugar gaya ng FNB Baliuag Bulacan na linggu-linggong
nasa simbahan ng Baliuag. Samantala, ang mga nagsasagawa ng FNB sa
Manila ay madalas na lumipat-lipat ng lugar para ma-serbisyhuhan ang mas
marami at iba-ibang tao.
Mayroon ding kakaibang paraan ang isang Food Not Bombs group sa Kota
Kinabalu, Malaysia. Matindi daw ang pagbabawal sa kanila ng pamahalaan
kaya minsan ay inihahatid nila ang mga pagkain sa mga bahay. Karamihan
sa mga hinahatiran nila ay mga *refugees* mula sa kapuluan sa Mindanao
at Celebes. Mga indokumentado silang hindi nakakapag-aral at walang
ligtas at permanenteng trabaho. Kung minsan naman, ipinagbibili nila ang
mga pagkain sa halagang katumbas halos ng piso. Ito ay para iwasan ang
awtoridad na nagsasabing bawal ang pagbibigay ng pagkain nang libre.
Noong unang mga taon naman daw nila, kinakasabwat nila ang mga empleyado
ng mga kainan para ipuslit palabas ang mga pagkaing maayos pa ngunit
piniling ipatapon ng mga may-ari.[17]
Iba-iba man ang taktika, kahanga-hanga kung paanong ang karamihan sa mga
chapters ay nagagawang sundin ang mga batayang pilosopiya ng FNB kahit
hindi sila gaanong nakikipag-ugnay sa isa’t isa, o kahit walang
direktang ugnayan ang mga ito sa mga nagpasimula ng FNB sa ibang bansa.
Natutunan lamang nila ito sa mga babasahin at mga kwentuhan. Sa
katunayan, kung titignan ang *website* ng Food Not Bombs (Global)[18],
makikitang hindi lahat ng aktibong Food Not Bombs chapter ay nakalista
sa kanilang *database.*
** II. RESEPSYON NG LOKAL SA FOOD NOT BOMBS
Sa Pilipinas, ilan sa mga grupo ng Food Not Bombs ay nakita at makikita
sa mga lugar gaya ng Manila, Rizal, Bulacan, Laguna, Cavite, Quezon,
Cebu, Bicol, Pangasinan, Tarlac, Baguio, Negros, Cagayan De Oro, Gen.
Santos, Iligan at Davao[19]. Sa bahaging ito, bibigyang-pansin ang
reaksyon ng (1) madlang binabahaginan ng Food Not Bombs,(2) ang tugon ng
mga awtoridad, at (3)ang naging epekto ng kilusang ito sa mismong mga
boluntaryong nagsasagawa nito na
kinapanayam.
[[t-a-taks-a-barbin-ang-food-not-bombs-sa-kapuluan-t-4.jpg f][Figure 4. Pagluluto ng ipapamahaging pagkain sa *Sining Kalikasan
Aklasan* 2017]]
*** A. Ang Madlang Nakikilala
Sa kalakhan ng mga naunang Food Not Bombs sa America, mainit ang
pagtanggap ng mga napapakain nito. Sa libro ni McHenry, di iilang ulit
na nangyari na ang mga publikong mismo ang nagtatanggol sa mga
boluntaryo ng FNB mula sa pagbabawal at pandarahas ng mga awtoridad.
Dito sa kapuluan, mahigit kalahating milyon ang walang tirahan[20] at
mahigit 6 milyon [21] ang walang trabaho.
Isang nakababahalang kaso naman ang isinaad ni McHenry sa kanilang
libro. Noong dekada 70, na tinawag nilang ikalawang Great Depression
matapos ang dalawang digmaan, naging pinakamalawak ang kawalan ng
trabaho sa US. Noong mga panahong iyon, may mag-iina ang napakain ng mga
boluntaryo ng Food Not Bombs. Makalipas ang ilang taon, nakita muli ng
inang ito ang Food Not Bombs at dali-daling nagbigay ng donasyon. “
Niligtas ng Food Not Bombs ang buhay ng mga anak ko!” ang sabi nito.
Umamin ang babae kay McHenry na noong una niyang nakita ang FNB,
dadalhin na sana niya ang mga anak niya sa tulay ng Ilog Sacramento para
ihulog doon kasama ang sarili, para makatakas sa kagutuman. Ipinapahiya
umano sila sa mga ahensya ng gobyerno. Pero naging mabait daw sa kanya
ang mga boluntaryo ng FNB at iyon ang nagbigay sa kanya ng pag-asa na
mapgpatuloy. [22]
Sa Pilipinas, mainit din ang pagtangkilik ng madla sa Food Not Bombs.
Ginagawa ito madalas sa mga plaza o sa mga kalyeng dinadaanan ng
maraming tao. Marami sa mga tumatangkilik ay iyong mga nasa ilalim ng
tinatawag na *linya ng kahirapan* o *poverty-line*, o mga hindi
nakakakain ng tatlong beses sa isang araw. Kabilang na dito ang mga
batang palaboy at iyong mga walang tiyak na tirahan. Tinatangkilik din
ito ng mga mamamayang hindi man maituturing na nagugutom ngunit
nagkakaroon ng interes sa pamamaraan at adbokasiya ng Food Not Bombs. Sa
mga nagsasagawa nito sa Pilipinas, hindi nagiging problema ang
kakulangan sa tumatangkilik, nakikikain o nakikipagkwentuhan. Mas
nararanasan pa ang problemang nagkukulang ang hinahaing pagkain.
[[t-a-taks-a-barbin-ang-food-not-bombs-sa-kapuluan-t-5.jpg f][Figure 5. Mga residente na tumutulong sa pag- *set-up* ng Food Not
Bombs sa Muntinlupa{2}]]
Higit pa sa pagpapakain, ang pakikipagkwentuhan kasama ang madla ang
magandang pagtuunan ng pag-aaral tungkol sa Food Not Bombs.
Nakakasalamuha ng mga boluntaryo ang mga taong madalas ay di pinapansin,
iniismiran, o dinadaanan lang ng marami.
Laking pagtataka naman ng mga nakikikain kung paanong nagagawa pang
magpakain ng mga boluntaryo ng Food Not Bombs sa mga tao, gayong wala
naman palang nakukuhang *budget* ang mga nagsasagawa nito. At lalong
walang natatanggap na sweldo ang mga boluntaryo. Malalaman pa nilang
ilan sa mga nagbo-boluntaryo ay mga walang trabaho pero nagagawa pa ring
magpakain o magbahagi ng mga gamit.
Sa isang paglahok ng mananaliksik sa isang Food Not Bombs activity ng
Etniko Bandido Infoshop sa Pasig, may nagtanong kung mayayaman ba ang
mga boluntaryo at nagagawang magpakain sa mga tao. Sumagot ang
boluntaryo sa pagsasabing, “Hindi po kami mayaman... Pero hindi naman po
kailangang maging mayaman para makapagbahagi, di ba? Kung minsan, yung
mga mayayaman pa ang hirap na hirap sa pagbabahagi ng kita nila.”[23]
Sa mga akitibidad ng Food Not Bombs, nalalaman ng mga tao na marami
palang itinatapon na pagkain sa mga palengke at mga estabisyimento. At
nagagawa palang hingiin ang mga ito. Mas mahirap nga lang daw na humingi
sa malalaking establisyimento gaya ng McDonalds at Jolibee at mga malls
gaya ng SM at Ayala, at mga hotels, ayon sa mga boluntaryo. Dahil ito sa
palakaran ng mga establisyimentong ito na walang pwedeng makinabang sa
itinatapon nilang pagkain kahit maayos at makakain pa ito. Kahit mga
manggagawa o empleyado ng ilan sa mga establisyimentong ito ay
binabawalang mag-uwi o mamigay ng mga pagkaing ito. Ang umusbong din na
kultura ng “pagpag” sa Pilipinas o pagkuha ng itinapong pagkain para
ibenta o kainin, ay itinuturing na bawal. Ayon naman sa mga boluntaryo,
pinakamadaling humingi ng pagkain sa mga palengke sa umaga, bago ito
magbukas, at sa gabi, bago sila magsara.
Hindi naman din lahat ng tumatangkilik o natutuwa sa konsepto ng Food
Not Bombs ay mahihirap. Marami ding mga may kaya ang humihinto,
nakikikain at nakikipagkwentuhan sa aktibidad ng Food Not Bombs. Madalas
pareho ang mga katanungan nila sa katanungang nabanggit sa itaas ng mga
madalas makikain: Paano at bakit isinasagawa ang Food Not Bombs? Madalas
ding itinatanong sa mga boluntaryo kung ano ang nakukuha nila sa
pagsasagawa nito. Ito ay tanong na susubukang sagutin sa huling bahagi
ng chapter na ito, sa tulong ng mga panayam sa mga boluntaryo.
Sa mga panayam na ito, nalamang marami sa mga Food Not Bombs chapter ay
inalok na ng pinansyal na suporta. May mga grupong FNB na tumatanggap ng
mga donasyon, kung nakilala na nila nang lubos ang nag-aalok. Sa ibang
grupo naman, mas hinihikayat nila na maging bahagi sa aktwal na
paghahanda ang mga nais tumulong. Halimbawa na lang sa pagkolekta ng
pagkain, paghahanap ng lugar na paglulutuan, mismong pagluluto, at sa
pagbabahagi ng pagkain. Sa ganitong paraan mas naipapaliwanag nila ang
kanilang layunin, kumpara sa pagtanggap ng *dole-out.*
Madiin ang mga Food Not Bombs chapters sa pagsasabing ang Food Not Bombs
ay hindi institusyong pang-charity. “Hindi hinihikayat ng FNB
ang ‘donor and beneficiaries relationship’ na siyang isang uri ng
hierarchical relation”[24]. Bagkus ito ay para sa pagmulat at pakikiisa
o pakikisama sa mga biktima ng kagutuman. Katunayan, isa sa mga
kolektibang nagsagawa ng Food Not Bombs sa Sapangpalay, Bulacan ay
pinangalanan ang sarili nila bilang Mutual Aid Not Charity[25].
Nililinaw nila na ang kanilang pagtulong ay hindi dahil mas mayaman, mas
matalino, o mas nakakaangat sila kaysa sa mga tinutulungan. Ginagawa
nila ito nang may pag-iisip na kapantay nila ang mga tinutulungan, na
katulad lang din nila sila, na mga taong may pangangailangan at madalas
ay naabuso ng mga mas tuso. Ipinagpapalagay din ng grupo na may mga
kakayahan din ang mga tinutulungan nila, na kaya din tumulong ng mga ito
sa iba sa napakaraming mga paraan. Sa isang kalagayang marami ang
nahihirapan sa buhay, ang pagtutulungan at pagbabahaginan ay isang
epektibong sandata para labanan ang mga ito. Lalo kung isinasantabi na
sila ng mga instistusyon at ahensyang dapat ay tumugon sa mga isyung
ito.[26]
Hindi nawawala ang mga ganitong kwentuhan sa mga aktibidad ng Food Not
Bombs. Maraming pagkakataon naman na isinasabay ang FNB sa ibang
aktibidad gaya ng *Free Market*[27],ng *Free School* o libreng
pagtuturo ng pagbasa, pagsulat, o pagguhit, at
Radyo-Kalye,[28] mga pagtatanghal gaya ng musika at
pagtula, at maraming ibang mga aktibidad.
[[t-a-taks-a-barbin-ang-food-not-bombs-sa-kapuluan-t-6.jpg f][Figure 6. Halimbawa ng Free Market]]
Malaki ang tulong ng pamamahagi ng polyeto para sa anumang adbokasiya.
Sa pamamagitan nito, naipapaabot ng grupo ang kanilang adbokasiya o
mensahe kahit sa mga tao na walang panahong humimpil at mga napapadaan
lang. Sa huling bahagi ng chapter na ito ay palalawigin pa ito. Sa
ngayon, sisipiin muna ang isang polyeto na ginamit ng mga indibidwal na
nagsagawa ng Food Not Bombs sa Luneta kasabay ng Free Market at Free
Library. Naging tugon ito ng isang nabuong grupo sa pagdedeklara ng
Martial Law sa buong Mindanao nitong taong 2017. Para magkaroon ng ideya
sa nababasa ng mga tao, narito ang sipi mula sa polyetong inilabas ng
grupo na hindi na pinangalanan ang sarili, bagkus ay ginamit na lang
pamagat ng aktibidad na Solidarity Against War bilang pagkakakilanlan:
“...Ipinapaalala ng FNB na ang pangunahing pangangailangan ng mga tao ay
pagkain, at hindi digmaan. Digmaan na madalas ay pakana lang ng mga nasa
posisyon o naghaharing uri. Digmaan na inilulunsad kahit walang
pagsangguni sa mamamayan gayong sila naman ang unang nahihirapan dito
dahil sa gutom o dahil sa pagkawalay sa mga minamahal. Kinukundena ng
FNB ang pag-uukol ng limpak-limpak na buwis para sa digmaan (na hindi
para sa pagtatanggol) gayong milyun-milyon pa din ang nagugutom.
Mahihirap ang pumapasan (nagbabayad ng buwis araw-araw) sa kalakhan ng
ginagastos dito. Habang nakakatakas naman sa pagbabayad ng buwis ang
malalaking korporasyong lokal at banyaga sa pamamagitan ng magagaling na
abogado at mga di patas na “agreements” o “partnership” gaya ng sa
Foreign Investment Policies sa bansa, Asia Pacific Economic Cooperation
(APEC) at Trans-Pacific Partnership (TPP).
Nagkaroon na ng sariling bersyon ng FNB ang mga nasa arkipelago. Tinawag
itong Pagkain Hindi Bomba/ Pagkaon Diri Bomba/ Food Not Bombs
--(pangalan ng lugar, hal. FNB Lucena). Depende kung saang lugar ito
makikita. Gaya sa ibang bansa, humarap na din ito ng paninita, o kung
minsan ay pag-aaresto, mula sa mga otoridad. Naniniwala yata sila sa mga
Boss na nagsasabing hindi dapat libre ang pagkain, na dapat ay binibili
ito sa kanila. Gayong umunlad at natural sa ating mga tao, lalo na sa
ating mga nasa kapuluan ang pagbibigayan.”
Isa lamang ito sa mga polyetong ipinamamahagi ng mga FNB chapters.
Kadalasan ay gumagawa ng kanya-kanyang polyeto ang bawat chapter.
Madalas din na may ibang isyu na sinasabayan o tinutuunan ang mga
boluntaryo ng Food Not Bombs, kaya sa mga isyu na ito naka-ukol ang
ibang polyeto. Sa huling bahagi ng chapter na ito tatalakayin ng mas
malalim ang tungkol dito. Samantala, tatalakayin muna ang resepsyon ng
mga awtoridad sa lokal sa Food Not Bombs.
*** B. Ang mga Awtoridad
Kung ikukumpara sa mga chapter ng Food Not Bombs sa kanluran kung saan
daan-daan na ang naaresto, mas kaunti ang pagsita at pag-arestong
ginagawa ng mga awtoridad sa mga boluntaryo ng FNB dito sa kapuluan.
Wala pang naitatalang pag-aresto habang nagsasagawa ng Food Not Bombs.
Maliban na lang kung ibibilang ang pag-arestong ginawa sa 11 boluntaryo
ng FNB nang umakyat ang mga ito sa Sagada at paratangang mga miyembro ng
rebeldeng grupong New People’s Army noong Pebrero 14, 2006. Ilan sa
kanila ang inabot higit isang taon sa pagkakakulong dahil sa pag-uugnay
sa kanila sapagpatay umano sa mga sundalo. Nakilala sila bilang Sagada
11. Umani sila ng suporta sa pandaigdigang ugnayan ng FNB at ng iba pang
kolektiba.[29]
Kadugtong nito, isang boluntaryo naman mula sa Bulacan ang pinatay ng
mga pulis nitong Hulyo 2018. Inakusahan ang boluntaryo bilang “adik” sa
droga at sinubukang dakpin kahit walang *search warrant* o *warrant of
arrest*. Kaugnay ito ng kampanyang *War On Drugs* ng pangulo na siya raw
lulutas sa kahirapan at kriminalidad sa bansa sa loob ng anim na buwan
(hindi kabilang dito ang pagiging adik sa kapangyarihan at pera). Di
umano ay nanlaban ang patpating boluntaryo laban sa armadong mga pulis
kaya “napilitan” silang patayin ito.
Ganunpaman, sa kalakhan, mabibilang ang pagbabawal sa aktibidad ng Food
Not Bombs. Dalawa lang sa 12 kinapanayam na mga boluntaryo ang nagsabing
naging malaking problema ang kapulisan at awtoridad sa pagsagawa ng FNB.
Ngunit may pagkakataong naghihinala ang mga awtoridad dahil sa pananamit
at hitsura ng mga boluntaryo. May nagsabi din na minsan ay hinanapan
sila ng *sanitary permit*. Para daw ito masigurong ligtas ang
ipinapakain sa mga tao. Kakatwa ito para sa mga boluntaryo dahil kahit
kailan naman ay hindi nagpakita ng malasakit ang mga pulis sa mga
palaboy na pinapakain nila. Umabot ang isang kasong ito sa pagpapalit ng
pangalan ng grupong nagsasagawa ng Food Not Bombs sa Sapangpalay,
Bulacan para maiwasan ang patuloy na panunuligsa ng kapulisan at iba
pang *authoritarian* na grupo. Mula United for Peace, binago nila ang
pangalan at ginawang Mutual Aid Not Charity.[30]
May mga pagkakataon namang nayayaya pa ng ibang FNB chapter ang mga
pulis na makikain kasama nila gaya sa isang footage ng FNB kasabay ng
programang Sining Kalikasan Aklasan sa tapat ng National Housing
Authority nito lang Hulyo 2017.[31] Isa itong hindi karaniwang tagpo
kung titingnan ang kasaysayan ng FNB sa ibang lugar, kung saan hindi
bago ang pagkumpiska sa mga babasahin at pagkaing inihahanda ng FNB.
Marahil, dahil ito sa sistematikong paraang isiniaad ni McHenry sa
kanyang libro kung paano harapin ang mga kapulisan. At marahil, dahil
din sa hindi takot ang mga boluntaryo sa pagpapaliwanag ng kanilang
layunin sa paraang mahinahon. Ang publikong tumatangkilik sa FNB na
nakikiusap sa mga pulis na huwag nang makialam ay isa ding dahilan.
Ang ilang nagsasagawa naman ng Food Not Bombs ay tumatanggap din ng alok
na tulong ng mga Baranggay Tanod. Ito ay para raw makatulong sa maayos
na pamamahagi ng pagkain, gaya ng naganap sa Food Not Bombs sa Brgy.
Manggahan, Pasig taong 2017. Ganunpaman, hindi nagkaroon ng pagkakataon
na kinailangang protektahan ng kapulisan ang mga boluntaryo ng Food Not
Bombs mula sa publiko. Nakukuntento na ang ilang nais maging kritiko sa
panaka-nakang pagtaas ng kilay at pag-ismid. Kung ikukumpara ito sa kaso
ng pananaksak at pagpapasabog ng ilang *neo-nazis* para guluhin ang
aktibidad ng FNB sa Moscow, ay masasabing mapayapa pa ito.
Ganunpaman, may ilang kaso pa din kung saan sinisita ang pagsasagawa ng
FNB. Ilan dito ay ang FNB na isinasagawa sa malalaking parke gaya ng
Luneta.
Noong unang bahagi pa lang ng 1990’s, may grupo nang nagsasagawa ng FNB
sa Manila. Madalas sa Luneta ito ginagawa. Dahil na din sa maraming
pumapasyal at marami ding mga naglalagalag dito.
Ang mas sariwang komprontasyon naman ay naganap nitong nakaraang taon
lang. Una, sa aktibidad na nabanggit na sa itaas, sa *Solidarity Against
War campaign* noong Hulyo 16. Ang ikalawa, sa kaganapang pinamagatang
*Ang Pekeng Balita ay Karahasan*. Naganap naman ito kasabay ng pag-alala
sa mga karahasan ng *Martial Law* sa ilalim ng diktador na si Marcos.
Nangyari ang pagkilos na ito noong Setyembre 21, 2017, na idineklara
bilang *National Day of Protest.* Libu-libo ang mga lumahok sa programa
ng iba’t ibang partido pero napili ng mga nag-organisa ng Food Not Bombs
na humiwalay sa mga ito. Ito ay para hindi sila mapagkamalang kasapi ng
mga makakaliwa at maka-administrasyong mga grupo. Para na din mas maigi
silang makilala ng madla. Isa rin ito sa mga taktikang nabanggit sa
itaas. “Naniniwala din ang FNB sa autonomous community-building na
walang kinalaman sa party politics, authoritarian left, traditional
politician, church, NGO’s or government / corporate sponsorship.”[32]
Sa malalaking parke gaya ng Luneta, may mga *park administrator* na
nagtatalaga ng polisiya na susundin sa loob ng parke. Kabilang dito ang
mga polisiya sa pagpapakain sa mga palaboy. May mga itinatalagang lugar
para sa pagpapakain. At nangangailangan ding humingi ng permiso ilang
araw bago magpakain, mula sa administrasyon ng parke para gawin ito.
Bilang mga boluntaryo ng Food Not Bombs na may tiyak na istratehiya,
hindi humingi ng permiso ang grupo. Humanap din sa sila ng lugar na mas
angkop sa aktibidad nila. Sa parte ng Japanese garden sila nagtipon.
Doon na din ipininta sa itim na banner ang pamagat ng aktibidad: Ang
Pekeng Balita ay Karahasan. Ito ay tumutuligsa sa pagkalat ng mga pekeng
balita o *fake news* para lituhin ang mga mamayan sa kung ano ang
nangyayari sa paligid at sa kasaysayan.
Ang pagpinta sa banner na ito ang unang sinita ng mga awtoridad. Kasunod
ang pinaplanong pagpapakain sa mga tao doon. Tumugon naman ang mga
boluntaryo sa pagsasabing: National Day of Protest noon kaya maaari
nilang ipahayag ang kanilang mga hinaing sa anumang paraan; na mga
taxpayers din ang mga boluntaryo kaya may karapatan silang gamitin ang
pasilidad ng parke, at; na hindi nangangailangang humingi ng permiso sa
pagbibigayan at pagbabahagi. Ang buong komprontasyon ay nakuhanan ng
video ng mananaliksik. Nang matapos ang usapan, ang pagpinta sa banner,
at makapagbahagi ng kaunting pagkain, lumipat ang mga boluntaryo sa
ibang lugar pero hindi sa itinakdang lugar ng administrasyon ng parke.
[[t-a-taks-a-barbin-ang-food-not-bombs-sa-kapuluan-t-7.jpg f][Figure 7. Estrangherong ipinagtatanggol ang FNB sa guwardiya ng Luneta
Park, September 21, 2017
]]
Samantala, inilinaw ng isa sa mga boluntaryo ang pagkakaiba ng FNB sa
ibang nagsasagawa ng mass-feeding sa pakikipag-usap nito sa mga tao.
Kaiba sa iba, hindi *charity* o pagtulong sa mga mas mahirap o mas
mahina ang ginagawa ng FNB. Bagkus ito ay pantay na pakikisama o
*solidarity,* o tinatawag ding *Mutual Aid*[33] sa mga taong biktima ng
kahirapan. Demonstrasyon ito na may magagawa ang mga tao para sa isa’t
isa. Bago makikain sa Food Not Bombs, hindi kailangang magpalista o
magpa-miyembro ng mga grupo, o makinig ng anumang doktrina. Lahat ng
nais kumain ay pwedeng makikain at makipagkwentuhan. Dahil ang pagkain
ay karapatan at hindi prebilehiyo.[34]
Ito din marahil ang dahilan kung bakit, karamihan sa mga awtoridad sa
bansa ay hindi ipinagbabawal ang pagsasagawa ng FNB. Ano nga naman ang
masamang idudulot ng pagpapakain? Ang Pilipinas ay isang kapuluan kung
saan laganap ang pagbabahagi sa iba’t ibang anyo kahit noon pa. Makikita
ito sa mga fiesta kung saan pwedeng pakainin ang mga bisita, kahit hindi
ito kakilala. Makikita din ito sa ugali ng pag-aalok ng pagkain sa mga
napapadaan habang may kumakain. Ang lakas ay ibinabahagi din sa tuwing
nagba-bayanihan sa paglilipat ng tirahan. Iniiwasan din ang pagsasayang
ng gamit. Ang damit ng panganay na naipapasa pa sa pinakabunso.
Samakatuwid, hindi nakikitaan ng kontradiksiyon ang pagsagawa ng Food
Not Bombs at ang kultura dito sa bansa ng pagbibigayan at pagtutulungan.
*** C. Ang mga Boluntaryong Nag-oorganisa
Sa bahaging ito, susubuking tukuyin ang demograpiya ng iba’t ibang
boluntaryo na nagsasagawa ng Food Not Bombs.
Unang nalaman ng mananaliksik ang tungkol sa Food Not Bombs noong nasa
mataas na paaralan o *high school* pa lang siya. Ang nagsagawa ng FNB
noon sa Taguig ay isang barkadahan na itinuturing ang mga sarili nila
bilang mga *Punk*. Simple lang ang paliwanag: walang ginagawa ang
gobyerno tungkol sa kagutuman kaya tayo ang kikilos.
Malaki ang papel ng subkulturang tinatawag na Punk sa paglaganap ng Food
Not Bombs sa Timog Silangang Asya. Sa mga panayam sa 12 tao mula iba’t
ibang lugar, nalamang lahat ng mga nagboluntaryo at nagbobolutaryo sa
FNB ay dumaan sa pagiging Punk. Sa pananaliksik naman gamit ang
internet, nalaman na ganito din halos ang kaso sa ibang kalapit na
bansa. Gaya na lang sa mga bansang Indonesia, Cambodia at Thailand.
Karamihan sa mga boluntaryo ang may mga banda pang tumutugtog ng
musikang Punk at mga baryasyon nito.
Marami nga sa mga nagboboluntaryo sa FNB ay nagmula sa sub-kulturang
Punk. Ito ay kulturang impluwensya ng musikang nagmula sa Europe at
Amerika noong 1970’s at 80’s. Halos lahat ng tumatangkilik dito ay
nagbibihis nang marumi, ng mga damit na may patse na tinatakan ng mga
pangalan ng mga bandang punk, o di kaya’y mga islogan. Pinapatayo pa ng
iba ang kanilang mga buhok, na minsan ay nasa istilong *mohawk*. Sa
ganitong pananamit ipinapakita ng mga Punk ang kanilang saloobin. May
nagsabing ipinapakita lang nila ang kabulukan at kahirapang pilit
itinatago ng sistema. Pinapakita din sa pananamit na hindi sila susunod
sa kumpormidad ng pag-iisip na ipinipilit ng mga institusyon. Ang
pagsusuot ng magagarang damit, para sa kanila, ay simbulo ng
konsumerismo at walang malay na pagsunod.
Halos lahat ng mga nakapanayam ay unang narinig o nakita ang Food Not
Bombs sa mga *gig* ng mga Punk. Kung minsan naman ay mula sa kwentuhan
kasama ang ibang Punk mula sa ibang lugar. Hindi na iyon kataka-taka
dahil dinadayo ng mga Punk mula sa malalayong lugar ang isa’t isa sa
tuwing may tugtugan. Kung minsan nakakapunta sila sa mga gig na ito
kahit walang gaanong pera dahil sa marunong silang mag-hitch o makisakay
sa mga pribado man o pampublikong sasakyan. Kakatwa naman ang kaso ng
FNB sa Sapangpalay dahil unang nakuha pa daw nila ang ideya ng FNB nang
magpunta ang isa sa kanila sa gig sa Davao.
Mula sa mga panayam, mahihinuhang ang mga lugar na unang nagkaroon ng
Food Not Bombs chapter ay ang Manila[35] at Davao[36]. Pinangaunahan ito
ng Manila Food Not Bombs at Kinaiyan Unahon (Earth First) ng Davao.
*** i. *Ilang Mga Suliranin*
Dahil din nagmula sa Punk ang karamihan sa mga boluntaryo, dinadala nila
ang kanilang pahayag sa pananamit sa mga FNB. Dahilan para paghinalaan
sila ng ilan sa mga tao. Iniisip kung malinis ba ang pagkain dahil hindi
nakakurbata ang mga naghahain. Maliban na lang sa mga mahihirap na
nakikikain. Dahil hindi magagara ang suot ng mga boluntaryo, hindi
naiilang ang mga lagalag at tambay na makihalubilo at makipagkwentuhan
sa kanila.
Bukod sa pangmamata ng iba at pa-ilan-ilang paninita ng awtoridad, wala
nang gaanong nararanasan aberya ang mga boluntaryo ayon sa kanila.
Marami sa mga kinapanayam ay nagsabing isang malaking problema nila ay
hindi ang kakulangan sa sangkap na nahihingi, o ang pangingi-alam ng mga
awtoridad, kundi ang kakulangan sa gamit sa pagluluto.
Sumasapat ang bilang ng mga nagboboluntaryo. Naglalaro ang bilang sa 5
hanggang 20 sa bawat grupo. Nagbabago ang bilang sa bawat aktibidad.
Nakadepende sa libreng oras ng mga boluntaryo. Wala silang pilitan
pagdating sa responsibilidad. Kung sino lang ang may panahon ang siyang
makakatulong sa pagkakataong iyon, at alam na iyon ng mga boluntaryo.
Marami na din and bilang na ito, dahil ayon sa kanila ang 2-3 tao ay
sapat na para magsagawa ng Food Not Bombs.
Isa pang pinoproblema ng ilang Food Not Bombs group ang kawalan ng lugar
na paglulutuan.[37] Marahil, dahil ito sa pagiging empleyado at
istudyante ng maraming boluntaryo, na pawang mga nakatira kasama ang
kani-kaniyang pamilya. Ang iba ay mga Visual-Artist, guro, PUV driver,
tambay, at iba pa, na pawang mga nahihirapang kumuha ng malaking espasyo
na pagsasagawaan ng paghahanda.
** III. Isang Obserbasyon: Food Not Bombs Bilang Lunsaran tungong
Panlipunang Kamalayan at Anarkismo
May mga suliranin mang kinakaharap sa pagsasagawa ng Food Not Bombs,
tuloy lang rito ang mga boluntaryo dahil kahit sa kanila ay may
magandang epekto ito. Hindi lang nabubusog ang kanilang sikmura sa
pagkain, kundi pati ang kanilang isip at damdamin.
Dahil sa regular na pagsasagawa ng FNB, nagkakasama nang madalas ang mga
boluntaryo. Natuto ang marami sa kanila na magluto dahil sa pagbabahagi
ng paraan ng pagluluto ng iba. Bukod dito, natututo silang makihalubilo
sa ibang tao. Una, sa ibang boluntaryo at syempre sa mga nakikikain sa
kanila. Nagkakapalitan din ng mga babasahin sa mga tagpong ito.
Sa pagsasagawa ng FNB, natututunan din ng mga boluntaryo kung paano
mag-resolba ng mga problemang naihahain sa kanila. At dahil kumikilos
sila bilang grupo, natutulungan din nila ang isa’t isa sa pagresolba ng
mga problema, pang-indibidwal man o organisasyunal.
Sa Food Not Bombs, nahahasa din ng mga organisador ang moral,
intelektwal at sosyal na kapasidad nila. Natututo silang magsuri sa
lipunang kanilang ginagalawan. Nalalaman nilang maraming paraan ng
pag-aanalisa sa mga panlipunang problema. Nagiging sanayan nila ito para
sa *organizing, facilitation, public speaking, public engagement* at
pananaliksik.[38]
Sa pagnanais pa ng isa mga nakapanayam na magbahagi ng kaniyang tuwa sa
pagsasagawa ng Food Not Bombs, isinaad niya sa panayam[39] ang bersyon
niya ng simpleng pamamaraan ng pagsisimula ng isang Food Not Bombs
Chapter. Nagdagdadag pa siya ng isang *step* sa *7 Steps* na inilatag ni
McHenry sa kanyang libro:
step 1. Maghanap ng paglulutaan. Mas malaki, mas maganda.
step 2. Mag hanap ng makakatulong pero okay lang kung mag-isa. Lagi ka
namang nag iisa 3 Kaya mo yan.
step 3. manghingi ng mga sobrang pagkain sa palengke. Huwag mag-alala,
siguradong may magbibigay sayo. Mabuti kang tao.
step 4. Lutuin ang mga nahinging pagkain.
step 5. Gumawa nga banner ng food not bombs. Kailangan mo ito para
malaman nilang hindi ito isang foundation o anuman.
step 6. mag hanap ng lugar na mas maraming nangangailan ng pagkain tulad
ng parke. Marami din ang taong makakakita nito. Baka sakaling makakuha
ka ng kasama mo dito, o di kaya gagayahin ka nila.
step 7. Ihanda mo ang iyong sarili sa mga magtatanong. Kailangan mo ding
ibigay kung saan ka nila maaring makontak kung sakaling gusto nilang
sumama o tumulong.
step 8. Ihanda mo ang sarili sa pag-uurong (paghuhugas) haha.
Karamihan nga sa mga boluntaryo ng Food Not Bombs sa Pilipinas ay
nagmula sa mga Punk. Sa pagiging Punk, namumulat sila sa mga
kawalang-hustisya at di-pagkakapantay-pantay na kaaakibat ng kapitalismo
at konsumerismo. Nabubukas sila sa ideya ng Anarkismo dahil sa Punk
music. Naiisip nilang may iba pang direksyon ng buhay bukod sa inaalok
sa kanila ng mga *mainstream* at tradisyunal na intitusyon. Nalalaman
nila ito mula sa mga kaibigan, mga *zines* o babasahin, at mga dayuhang
Punk at Anarkista na nakakasalamuha nila sa mga aktibidad at kasiyahan.
Idagdag pa ang internet bilang bukal ng kaalaman.
Dahil sa nagiging bukas sila sa malawak na posibilidad ng buhay, madali
nilang naiintindihan ang ideyang ipinaaabot ng Food Not Bombs. Direktang
aksyon ang itinututro nito gaya sa Anarkismong naipapakilala sa kanila
ng Punk music. Sinasabi ng Anarkismo na kahit maliliit na tao gaya nila
ay may kakayahang magbunsod ng pagbabago.
Anarkismo. Isa itong ideya na nag-aasam at nagsasa-praktika ng
pagkakapantay-pantay, pagtutulungan, at tunay na kapayapaan. Ang literal
na salin nito mula sa griyego ay ang “kawalan ng namumuno” (hindi
kawalan ng kaayusan). Sa personal na pagkakaintindi naman ng may-akda,
ang Anarkismo ay nagsasabing maaari tayong maging ano man ang ninanais
natin sa ating buhay, hangga’t hindi natin napipigilan ang iba na gawin
ang nais nila para maging ganap ang kanilang buhay.
Ang Punk ay naging lunsaran ng marami sa mga boluntaryo patungong ideya
ng Anarkismo. Unang nakikilala ng mga Punk ang Anarkismo dahil sa musika
pero hindi iyon doon natatapos. At hindi rin ganoon ka-simple ang
ugnayan. May mga Punk na dumadaan sa pagiging boluntaryo ng FNB bago
maging Anarkista. May mga Punk naman na nahihilig sa Food Not Bombs
dahil kinakikitaan nila ito ng Anarkismo. At syempre, may mga Anarkista
na nagboboluntaryo sa Food Not Bombs.
Samantala, masama ang imahe ng Anarkismo para sa marami dahil sa
pagpapakita ng *media*, gobyerno, simbahan , at maka-kaliwang grupo ng
masamang mukha nito. Ang ipinapaalala nila, tuwing binabanggit ang
salitang Anarkismo, ay ang pagiging bayolente nito. Naiisip din ang
salitang *chaos*. Kapag binanggit ito, ang agad naiisip ay ang mga
nagpapasabog at namamaslang na mga Anarkista noong ika-19 na siglo sa
Europa. Hindi binabanggit na ang mga pinapaslang ay mga diktador na
mahilig mang-tortyur ng mga tao, sa aspetong pisikal, mental o
ekonomikal.
Hindi kailan man nababanggit na ang mga ito ay isa lamang sa mga taktika
ng ilang Anarkista, at hindi ng lahat. Mas makikilala ang Anarkismo sa
panulat at kasaysayan ng mga katulad ni Proudhoun, Kropotkin, Zapata,
Goldman, Malatesta, at marami pang iba. Maaari ding basahin ang mga
sulat nina David Graeber, Cindy Milstein, Benedict Anderson, Randy
Nobleza, at Bas Umali para sa mas bagong pagtingin ukol dito.
Marami na din ang naisulat tungkol sa Anarkismo. Nagkaroon din ito ng
maraming uri na tumuon sa iba’t ibang mga isyu.
Sa Pilipinas naman, una raw dinala ni Isabelo Delos Reyes ang mga libro
tungkol dito. Isa siyang antropologo o *folklorista* sa panahon ng mga
*ilustrado*. Sinasabi ng iba na Anarkista din si Delos Reyes dahil sa
pagdadala niya ng mga librong ito, at dahil sa pagkakakulong niya kasama
ng maraming Anarkista sa Montjuich sa Espanya.
May nagsasabi din na maituturing na Anarkismo ang umiiral sa mga
sinaunang pamayanan sa kapuluang ito. Pati na din ang mga naunang mga
insureksyon sa panahon ng Espanyol, bago pa sumiklab ang Rebolusyong
1896.
Makikitaan ng ugnayan ang Anarkismo at ang mga tuntunin ng Food Not
Bombs. Kahit si McHenry at ang kanyang mga kasama ay nagbasa at gumamit
ng kaisipang ito para mabuo ang Food Not Bombs. Ilan sa mga ugnayang ito
ang mababanggit sa susunod na mga talata.
Una, ang ideya ng Direktang Aksyon at Do-It-Yourself (DIY) na laganap sa
Anarkismo ay makikita sa mga isinasagawang Food Not Bombs. Inilalarawan
ng dalawang ideyang ito na kung may nais tayong pagbabago ay maaari
natin itong simulan sa ating komunidad. Nais labanan ng FNB ang
kagutuman at kamangmangan kaya direkta ang sarili nilang aksyon.
Naniniwala silang hindi nangangailangan ng pahintulot para magbahaginan.
Parehong isinasapraktika ng mga Anarkista at FNB ang mga ideya ng
pagkakapantay-pantay, sa kawalan ng leader sa mga kolektiba. Ang ideya
din ng pandaigdigang kapatiran ng Anarkismo, nang hindi tumitingin sa
uri, ay makikita din sa pagpapakaing ginagawa ng FNB sa publiko. Ang
ideya ng *autonomy* ay makikita sa bawat grupong nabubuo at umiinog nang
hiwalay sa ibang grupo. Ang pagiging *transparent* sa paraan ng
pagpaplano ng dalawa ay mapapansin din.
Ang pagtuligsa sa eksploytasyon na sanhi ng pag-aari (property) na
makikita sa sulatin ni Proudhoun ay nasa prinsipyo din ng FNB sa pagsuri
sa lipunan. Usapin ito ng pagkain bilang nagiging pag-aari ng iilang
tao. Mababanaag din pati ang konsepto ng kapwa-tulungan o Mutual Aid na
ipinaliwanag naman ni Kropotkin. Pati ang ideya ni Malatesta ng mga
Anakistang Organisado (ibig sabihin may kaayusan, ngunit hindi
kailangang nabibilang sa organisasyon) ay mao-obserbahan din sa
organisasyunal na sistema ng Food Not Bombs.
Sa pagkalat naman ng FNB (at Anarkismo) sa iba’t ibang lugar, maituturo
ang ideya ng desentralisasyon bilang dahilan. Pareho itong hindi
nangangailangan ng ideya ng *membership* o kasapian. Parehong
hindi nangangailangan ng permiso ninuman para isagawa.
Ito ay pawang mga paraan ng pamumuhay na. Hindi ito basta mga ideya lang
na maaaring pag-usapan sa debate o sa papel. Pareho itong nahahasa dahil
sa pakiki-ugnay at pakikinig sa iba. Mahalaga sa dalawang ito ang
dinaanang proseso ng mga kasabwat, ang pagpapahalaga sa desisyon ng
bawat kasabwat, kumpara sa bigat at lawak ng resulta.
Ganunpaman, masyadong simple kung sasabihing: sa Punk nakikita ng mga
boluntaryo ang problema ng lipunan, sa Anarkismo ang tunguhin o
solusyon, at sa Food Not Bombs ang daan tungo dito. Nakikita lang ng mga
boluntaryong ito na nagmula sa kulturang Punk ang pagkaka-ugnay ng
Anarkismo at Food Not Bombs. Katunayan, lahat ng nakapanayam ay may
nalalaman pagdating sa Anarkismo. Makikita pa ang simbulo ng Anarkismo
(Ang letrang ‘A’ na binilugan) sa mga banner ng mga Food Not Bombs sa
lokal.
[[t-a-taks-a-barbin-ang-food-not-bombs-sa-kapuluan-t-8.jpg f][Figure 8. Mga nagpa-FNB na nagkakabit ng bandila ng Anarkismo sa
Luneta Park sa Manila, September 21, 2017]]
Bagama’t hindi lahat ng mga nagbo-boluntaryo sa Food Not Bombs ay
maituturing at nagde-deklara na Anarkista (lalo sa ibang bansa), hindi
maitatanggi ang kaugnayan ng dalawang ideyang ito. Kung kaso lang ng
Pilipinas ang pagtutuunan, masasabing direkta ang ugnayan ng dalawa.
Nakikita ng mga boluntaryo ang ideya ng Anarkismo sa proseso at
organisasyon ng Food Not Bombs. At nakikita din sa mga prinsipyo ng
Anarkismo ang kahalagahan ng Food Not Bombs.
Kakatwang isipin na kahit walang malinaw na plano ay kumalat ang Food
Not Bombs sa kapuluang ito. Tila isang uri ito ng halamang kusang
kumalat sa maraming lugar. Hindi iniintindi kung ano ang itatawag sa
sarili. Walang pangamba kung may kumilala man o wala sa kanyang
pag-inog. Hindi mapigilan ang pag-usbong kahit makapal ang usok na
humaharang sa araw. Lalago kahit walang pahintulot. Nabubuhay sa pagitan
ng mga bitak ng semento na ibinuhos ng lungsod sa lupang pinagmumulan ng
buhay. Hanggang humitik sa mga bungang ihahandog sa lahat, nang walang
kapalit kundi ang pangakong ibalik sa lupa ang panibagong mga binhi.
Bilang pagtatapos, nais sipiin ng mananaliksik ang pahayag na makikita
sa sagot ng karamihan sa nakapanayam. Isa itong pahayag na naglalaro at
kakikitaan ng ideya ng Anarkismo at naisasabuhay sa pagsasagawa Food Not
Bombs: DAHIL ANG PAGKAIN AY KARAPATAN, AT HINDI PRIBELEHIYO NG IILAN!
** Mga Sanggunian
*** A. Mga Printed na Sanggunian
Bello, Walden. *The Food Wars*. London: Verso. 2009
Bhaktivedanta Swami Prabhupad. *The Higher Taste*. Hongkong:
Bhativedanta Book Trust. 1983
Bularon, Selo (ed. dir.) Mga Pinagtagpi-tagping *Kaganapan sa Sining
Kalikasan Aklasan,* Quezon City: Pulang Balilintataw Films. 2015
Butler, C.T. Lawrence and McHenry, Keith. *Food Not Bombs*. Saline,
Michigan: See Sharp Press. 2000
Butler, Chris. *Who are you?* Makati, Philippines: Science of Identity
Foundation, 1986
Guila, Jassim. *SKA 2017 (Sining Kalikasan Aklasan Kontra SONA).* Pasig
City: Pelikulaya Productions. 2017
Kropotkin, Pyotor. *Mutual Aid: A Factor of Evolution*, New York: New
York University
Press. 1972. P23
McHenry, Keith. *Hungry For Peace*. Tucson, USA: See Sharp Press. 2012
Schumacher, E.F. *Small is Beautiful.* New York: Harper and Row. 1973
*** B. Mga Sanggunian mula sa Internet
Cepada, Maan. *2017 Budget Priorities: Infrastructure, Agriculture,
Peace and Order* . October 25, 2017
[[https://www.rappler.com/nation/143116-2017-proposed-budget-priorities][*https://www.rappler.com/nation/143116-2017-proposed-budget-priorities*]]
Rodriguez, Fritzie. *PH Food Wastage. Think Twice Before Wasting Your
Meal* . October 25, 2017
[[http://www.brianwillson.com/the-significance-of-nuremberg-actions-concord-naval-weapons-station-concord-california/][*http://www.brianwillson.com/the-significance-of-nuremberg-actions-concord-naval-weapons-station-concord-california/*]]. October 14, 2017
http://[[http://www.foodnotbombs.net/][*www.foodnotbombs.net*]]/locations.
October 25, 2017
[[https://www.rappler.com/move-ph/issues/hunger/53419-food-wastage-ph][*https://www.rappler.com/move-ph/issues/hunger/53419-food-wastage-ph*]]. October 14, 2017
[[http://www.socialsolutions.com/blog/2016-homelessness-statistics/][*http://www.socialsolutions.com/blog/2016-homelessness-statistics/*]]. October 15, 2017
[[https://tradingeconomics.com/united-states/unemployment-rate%20.%20October%2025][*https://tradingeconomics.com/united-states/unemployment-rate*. October 25]], 2017
*** C. Mga Panayam
ABRIGO, FRANCES
ALMORES, DRAKE ANGELO
BAUTISTA, CARLO
BRIGITTE BARDOTS*
DE VERA, CHRIS
FRANCO, JESTONI
HOSSAIN, ANOWARA AKTER
MALLARI, JAY
NOBLEZA, RANDY
PONG*
QUIMSON, ASHER ISRAEL
UMALI, GEORGE
* *Alias*
** Apendiks
Ilan pang mga Larawan
[[t-a-taks-a-barbin-ang-food-not-bombs-sa-kapuluan-t-9.jpg f][Figure 9. Food Not Bombs sa *Sining Kaliksan Aklasan*, Quezon City
Circle, July 31, 2017]]
[[t-a-taks-a-barbin-ang-food-not-bombs-sa-kapuluan-t-10.jpg f][Figure 10. Libreng sopas para sa mga dumadaan sa Sining Kaliksan
Aklasan, 2017]]
[[t-a-taks-a-barbin-ang-food-not-bombs-sa-kapuluan-t-11.jpg f][Figure 11. *Street Sweeper* sa Quezon City ,pagkatapos dumaan sa mesa
ng Food Not Bombs]]
[[t-a-taks-a-barbin-ang-food-not-bombs-sa-kapuluan-t-12.jpg f][Figure 12. *Volunteer* ng FNB na nagbibigay din ng libreng gupit]]
[[t-a-taks-a-barbin-ang-food-not-bombs-sa-kapuluan-t-13.jpg f][Figure 13. FNB volunteer na namamahagi ng mga buto ng gulay]]
[[t-a-taks-a-barbin-ang-food-not-bombs-sa-kapuluan-t-14.jpg f][Figure 14. FNB Bulacan, 2003{3}]]
[[t-a-taks-a-barbin-ang-food-not-bombs-sa-kapuluan-t-15.jpg f][Figure 15. Food Not Bombs- Davao , 2005]]
[[t-a-taks-a-barbin-ang-food-not-bombs-sa-kapuluan-t-16.jpg f][Figure 16. Food Not Bombs at Free Market sa *Solidarity Against War*,
Luneta Park, Manila, July 16, 2017]]
[[t-a-taks-a-barbin-ang-food-not-bombs-sa-kapuluan-t-17.jpg f][Figure 17. Poster para sa ika-sampung taon ng FNB -Tayabas]]
[[t-a-taks-a-barbin-ang-food-not-bombs-sa-kapuluan-t-18.jpg f][Figure 18. Lucena Food Not Bombs, nagluto para sa *Global Marijuana
March* sa Parks 'n Wildlife, Quezon City, May 7, 2017]]
[[t-a-taks-a-barbin-ang-food-not-bombs-sa-kapuluan-t-19.jpg f][Figure 19. FNB volunteers ng Lucena at Tayabas, Quezon at Dasmarinas,
Cavite sa mga riles ng Lucena, September 2016{4}]]
[[t-a-taks-a-barbin-ang-food-not-bombs-sa-kapuluan-t-20.jpg f][Figure 20. Lumang larawan ng mga FNB volunteers sa Guiguinto Bank sa
Sapangpalay, Bulacan{5}]]
[[t-a-taks-a-barbin-ang-food-not-bombs-sa-kapuluan-t-21.jpg f][Figure 21. FNB ng Onsite Infoshop sa Muntinlupa, Manila, 2017{6}]]
[[t-a-taks-a-barbin-ang-food-not-bombs-sa-kapuluan-t-22.jpg f][Figure 22. Food Not Bombs sa *Ang Pekeng Balita ay Karahasan* sa
Luneta Park, Manila, September 21, 2017]]
[[t-a-taks-a-barbin-ang-food-not-bombs-sa-kapuluan-t-23.jpg f][Figure 23. Isa pang halimbawa ng Free Market, SKA 2017]]
[[t-a-taks-a-barbin-ang-food-not-bombs-sa-kapuluan-t-24.jpg f][Figure 24. Paghahanda ng mga mga nakolektang gulay mula sa palengke sa
Mandaluyong, July 16, 2017]]
[[t-a-taks-a-barbin-ang-food-not-bombs-sa-kapuluan-t-25.jpg f][Figure 25. FNB volunteers , kaharap ang hepe sa seguridad ng Luneta
Park, Semptember 21, 2017]]
[1] McHenry, Keith. *Hungry For Peace*. Tucson, USA: See Sharp Press.
2012. p.149
[2] Ibid. “It will be a great day when our schools get all the money
they need and the air force has to hold a bake sale to buy a
bomber.” p.98
[3] Butler, C.T. Lawrence and McHenry, Keith. *Food Not Bombs*. Saline,
Michigan: See Sharp Press, 2000. p.31
[4] Ibid. “it’s just that they are making a political statement and that
isn’t allowed.” p.101
[5] Ibid. p.21
[6] Mula sa blog ni Bryan Willson.
[[http://www.brianwillson.com/the-significance-of-nuremberg-actions-concord-naval-weapons-station-concord-california/][*http://www.brianwillson.com/the-significance-of-nuremberg-actions-concord-naval-weapons-station-concord-california/*]]
October 14, 2017
[7] [[http://www.foodnotbombs.net/][*www.foodnotbombs.net*]].
[[http://foodnotbombs.net/new_site/contacts.php%20.%20October%2025][*http://foodnotbombs.net/new_site/contacts.php
.* October 25]], 2017
[8] Bello, Walden. *The Food Wars*. London: Verso. 2009 p.61
[9] Sa Mono-cropping, isang uri lang ng pananim ang itinatanim sa isang
malawak ng lugar. Kadalasan ay para merkado ang mga itinatanim at
hindi para sa konsumo ng mga tao sa lugar.
[10] Schumacher, E.F. *Small is Beautiful.* New York: Harper and Row.
1973. p.11-12
[11] Litratong kuha ng may-akda
[12] Butler, Chris . *Who are you?* Makati, Philippines: Science of
Identity Foundation. 1986 p.45
[13] Bhaktivedanta Swami Prabhupad. *The Higher Taste*. Hongkong:
Bhativedanta Book Trust. 1983 p.17
[14] Rodriguez, Fritzie. *PH Food Wastage. Think Twice Before Wasting
Your Meal*.
[[https://www.rappler.com/move-ph/issues/hunger/53419-food-wastage-ph%20October%2024][*https://www.rappler.com/move-ph/issues/hunger/53419-food-wastage-ph.*
October 24]], 2017
[15] Cepada, Maan. *2017 Budget Priorities: Infrastructure, Agriculture,
Peace and Order*.
[[https://www.rappler.com/nation/143116-2017-proposed-budget-priorities.%20%20October%2024][*https://www.rappler.com/nation/143116-2017-proposed-budget-priorities*.
October 24]], 2017
[16] Butler, C.T. Lawrence and McHenry, Keith. *Food Not Bombs*. Saline,
Michigan: See Sharp Press, 2000.
{1} Larawan ula sa FNB Sapangpalay, Bulacan
[17] Ana ng Bentarakata. *Personal na Pakikipag-usap*. Kota Kinabalu.
December 10, 2017
[18] *www.foodnotbombs.net*. 2017.
[[http://foodnotbombs.net/new_site/contacts.php%20.%20October%2025][*http://foodnotbombs.net/new_site/contacts.php*
. October 25]], 2017
[19] Ayon sa personal na pananaliksik ni De Vera, Chris. *Online na
Interbyu* sa pamamagitan ng Facebook. Pasig City. October 15, 2017
[20] [[http://www.socialsolutions.com/][*www.socialsolutions.com*]].
[[http://www.socialsolutions.com/blog/2016-homelessness-statistics/][*http://www.socialsolutions.com/blog/2016-homelessness-statistics/*]]
. October 25, 2017
[21] [[https://tradingeconomics.com/united-states/unemployment-rate%20.%20October%2025][*https://tradingeconomics.com/united-states/unemployment-rate
.* October 25]], 2017
[22] McHenry, Keith. *Hungry For Peace*. Tucson, USA: See Sharp Press.
2012. p.13
{2} McHenry, Keith. *Hungry For Peace*. Tucson, USA: See Sharp Press.
2012. p.13
[23] Zulueta, Juey. *Personal na Pakikipag-usap*. Etniko Bandido
Infoshop. Pasig City. May 2016
[24] De Vera, Chris. *Online na Interbyu* sa pamamagitan ng Facebook.
October 15, 2017
[25] Flores, Fernan at Ulep, Julius ng Mutual Aid Not Charity, *Personal
na Pakikipag-usap*, Sapangpalay Bulacan, December 15, 2014
[26] Kropotkin, Pyotor. *Mutual Aid: A Factor of Evolution*, New York,
New York University
Press. 1972. p.23
[27] “Ang Really Really Free Market ay aktibidad kung saan namamahagi ng
iba’t ibang klaseng gamit na hiningi din mula sa maraming tao. Dito
maaaring kumuha at magbigay nang libre Ganunpaman hindi kailangang
magbigay bago kumuha... Sinisiguro lang na ang mga kukunin
mapapaakinabangan talaga ng mga kukuha.” De Mesa , Fread, *Mga
Pinagtagpi-tagping Kaganapan sa Sining Kalikasan Aklasan.* Pulang
Balintataw Productions. August, 2015
[28] Ang Radyo-Kalye ay ang pagsasagawa ng programang pang-radyo sa
kalye na pwedeng lahukan ng mga sinong dumadaan. Nagkakaroon dito
ng mga panayam tungkol sa mga isyung kinahaharap ng komunidad at
indibidwal at mga pagtatanghal mula sa mga lokal.
[29] McHenry, Keith. *Hungry For Peace*. Tucson, USA: See Sharp Press.
2012. p.155
[30] Quimson, Asher. *Online na Interbyu* sa pamamagitan ng Facebook.
October 15, 2017
[31] Guila, Jassim. *SKA 2017 (Sining Kalikasan Aklasan Kontra SONA).*
Pasig City: Pelikulaya Productions. August, 2017
[32] De Vera, Chris. *Online na Interbyu* sa pamamagitan ng Facebook.
October 15, 2017
[33] Mutual Aid sa depinisyon ni Kropotkin bilang kapwa-tulungan ng mga
hayop na may parehong *specie* para mapanatili ang mga susunod na
salinlahi. Kropotkin, Pyotor. *Mutual Aid: A Factor of Evolution*.
New York. New York University Press. 1972. p.11
[34] De Mesa, Fread. *Personal na Pakikipag-usap*. Luneta, Manila. July
16, 2017
[35] Dr. Nobleza, Randy. *Online na Interbyu* sa pamamagitan ng
Facebook. October 20, 2017
[36] Quimson, Asher. *Online na Interbyu* sa pamamagitan ng Facebook.
October 15, 2017
[37] Hossain, Anowara Akter. *Online na Interbyu* sa pamamagitan ng
Facebook. October 15, 2017
[38] De Vera, Chris. *Online na Interbyu* sa pamamagitan ng Facebook.
October 15, 2017
[39] Bautista, Carlo. *Online na Interbyu* sa pamamagitan ng Facebook.
October 20, 2017
{3} Mula kay Chris De Vera ng Etniko Bandido
{4} Larawan mula kay Frances Abrigo ng FNB-Lucena
{5} Larawan mula kay Julius Bruce Ulep ng Mutual Aid Not Charity-
Bulacan
{6} Larawan mula sa Onsite Infoshop